BACK-TO-BACK PBA 3X3 LEG CROWNS SA CAVITEX

ISINALPAK ni Jorey Napoles ang game winner upang tulungan ang Cavitex na kunin ang back-to-back championships sa PBA 3×3 Second Conference Season 2 sa likod ng 21-20 come-from-behind win kontra TNT nitong Linggo sa Robinsons Place Antipolo Extension.

Ang Braves ay naghabol sa Leg 6 finals, ngunit hindi kailanman nawalan ng loob at nakabalik sa laro sa likod ng nina Napoles, Dominick Fajardo, Bong Galanza, at Chester Saldua upang masilat ang Tropang Giga.

Tumapos si Napoles, ang dating Gilas Pilipinas 3×3 member, na may 9 points, 8 rebounds, at kinamada ang huling apat na puntos ng Cavitex, na naghabol ng hanggang 12-6 sa laro.

Lumapit ang Tropang Giga sa panalo, 20-17, bago sumagot si Napoles ng 2 upang tapyasin ang deficit sa isang puntos.

Pagkatapos ay nasupalpal ni Napoles ang potential game clincher ni Almond Vosotros, bago sinelyuhan ang kanyang kabayanihan sa pagsalpak ng game-winning deuce sa para sa P100,000 prize money.

Sa panalo ay naiganti ng Cavitex ang pagkatalo sa TNT sa finals ng Leg 3, tatlong linggo na ang nakalilipas.

Nag-uwi ang Tropang Giga ng runner up purse na P50,000.

Samantala, kumarera ang Platinum Karaoke sa ikatlong sunod na podium finish kasunod ng 17-13 panalo kontra J&T Express para sa third place na nagkakahalaga ng P30,000.

Ang Platinum ay naging kampeon sa Leg 4 at runner up sa Cavitex sa Leg 5.

CLYDE MARIANO

Iskor:
Third place:
Platinum Karaoke (17) – Salva 7, Bates 4, Andrada 3, Tumalip 3. J&T Express (13) – Rono 6, Hayes 3, Sedurifa 2, Datu 2.
Finals:
Cavitex (21) – Napoles 9, Fajardo 4, Saldua 4, Galanza 4. TNT (20) – Vosotros 12, De Leon 7, Exciminiano 1, Flores 0.