HINDI nakaiskor si Thirdy Ravena sa kanyang ikalawang laro buhat nang bumalik mula sa pakikipaglaban sa COVID-19, subalit may sapat na lakas ang San-En NeoPhoenix upang malusutan ang Levanga Hokkaido, 80-74, noong Linggo sa Hokkai Kitayeru.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng NeoPhoenix sa Japanese B.League para umangat sa 4-17 kartada.
Si Ravena ay naglaro sa loob lamang ng apat na minuto at 15 segundo kung saan gumawa siya ng isang steal, kumalawit ng isang rebound, nagbigay ng isang assist habang nagmintis sa dalawang field goals.
Muling nagbida para sa San-En si Stevan Jelovac na may 22 points at 10 rebounds, habang nagdagdag si Kyle Hunt ng 20 points at 15 rebounds.
Naghabol ang NeoPhoenix sa 55-52 makalipas ang tatlong quarter, ngunit na-outscore ang Hokkaido, 28-19, sa krusyal na final frame upang kunin ang panalo at ma-sweep ang hosts.
Sa kanilang unang laro noong Sabado ay tinambakan ng NeoPhoenix ang Levanga Hokkaido, 83-69. Tumipa si Ravena sa naturang laro ng 5 points at 3 rebounds.
Sinelyuhan ni Kawashima Hayato ang panalo para sa NeoPhoenix sa pamamagitan ng runner na naglagay sa talaan sa 74-69, may 32 segundo ang nalalabi sa laro.
Wala pa sa porma si Ravena makaraang hindi makapag-ensayo ng dalawang linggo.
Ang dating Ateneo star ay tinamaan ng COVID-19 noong November 27.
Magbabalik sa aksiyon ang San-En sa susunod na Sabado kontra Nigata.
Comments are closed.