HUMATAW si Anthony Davis ng 41 points at 11 rebounds, nagdagdag sj LeBron James ng 22 points at 12 assists at nagwagi ang Los Angeles Lakers ng dalawang sunod sa unang pagkakataon sa loob ng mahigit isang buwan sa 132-131 panalo laban sa bisitang Toronto Raptors noong Martes.
Umiskor si Christian Wood ng 14 points at nag-ambag si Cam Reddish ng 13 para sa Lakers na nanalo sa ika-5 pagkakataon pa lamang sa 15 games magmula nang magkampeon sa NBA inaugural in-season tournament noong nakaraang buwan.
Tumipa sina Taurean Prince, Austin Reaves at D’Angelo Russell ng tig-11 points para sa Lakers, na bumuslo ng 54.3 percent mula sa field.
Nagposte si Scottie Barnes ng 26 points at nagdagdag si Pascal Siakam ng 25 para sa Raptors na nahulog sa 3-2 magmula nang idagdag sina RJ Barrett at Immanuel Quickley sa koponan kasunod ng trade sa New York Knicks. Umiskor si Barrett ng 23 points at nagdagdag si Quickley ng 21 bago na-foul out sa fourth quarter.
Sa kanyang unang start sa season, tumabo si Thaddeus Young ng 10 points para sa Toronto, na 2-2 sa pagsisimula ng six-game road trip. Hindi naglaro si Jakob Poeltl dahil sa left ankle sprain.
Timberwolves 113,
Magic 92
Nagbuhos si Karl-Anthony Towns ng 28 points sa 11-for-19 shooting upang pangunahan ang Minnesota Timberwolves sa panalo kontra host Orlando Magic.
Nagposte si Rudy Gobert ng double-double na 21 points at 12 rebounds para sa Minnesota, na bumawi mula sa pagkatalo laban sa Dallas Mavericks. Tumapos si Jaden McDaniels na may 15 points, at kumamada si Naz Reid ng double-double na may 13 points at 10 rebounds.
Umiskor si Moritz Wagner ng 21 points sa 6-for-9 shooting mula sa bench upang pangunahan ang Orlando. Nakalikom si Jalen Suggs ng 20 points, at nagdagdag si Paolo Banchero ng 18.
Bumuslo ang Timberwolves ng 53.8 percent (43 of 80) mula sa field at 40 percent (12 of 30) mula sa arc. Ang Magic ay bumuslo ng 36.2 percent (34 of 94) mula sa field at 31 percent (13 of 42) mula sa 3-point range.
Knicks 112,
Blazers 84
Tumirada si OG Anunoby ng 23 points at maagang nakontrol ng New York Knicks ang laro upang mahila ang kanilang winning streak sa season-high five games sa panalo laban sa bisitang Portland Trail Blazers.
Umangat ang New York sa 5-0 magmula nang kunin si Anunoby mula sa Toronto Raptors noong Dec. 30 at nakopo ang kanilang ika-4 na sunod na double-digit win. Umabante ang Knicks ng double digits sa huling 40:05 upang umangat sa season-high seven games above .500.
Naitala ni Anunoby ang kanyang pinakamaraming puntos magmula nang umanib sa Knicks, naipasok ang 9 sa 12 shots at isinalpak ang apat na 3-pointers upang tulungan ang New York na umangat sa 15-1 laban sa mga katunggali na may losing records.
Nagdagdag si Julius Randle ng 20 points, 8 assists at 7 rebounds sa tatlong quarters at nagsalpak ang Knicks ng 18 tres, at umabante ng hanggang 39 points.
Nag-ambag si Quentin Grimes ng 17 points at gumawa si Miles McBride ng 16.
Kumabig si Donte DiVincenzo ng 13 points, nagposte si Jalen Brunson ng 12 at kumalawit si Isaiah Hartenstein ng 14 rebounds upang tulungan ang New York sa 55-43 bentahe sa boards.
Tumapos si Jerami Grant na may 21 points para sa Trail Blazers, na nahulog sa 4-14 sa nakalipas na 18 laro. Nalimitahan si Anfernee Simons sa 12 points sa 4-of-14 shooting makaraang makakuha ng 38 sa overtime win noong Linggo kontra Brooklyn Nets.