BAD WORK DAY: PAANO NGA BA MALALAMPASAN?

BAD WORK DAY

MASARAP magtrabaho lalo na kung wala tayong kinahaharap na problema sa pinapasukan nating opisina. Kung maayos at magkakasundo ang bawat empleyado ay gaganahan kang pag-igihan pa lalo ang iyong ginagawa.

Pero hindi la­ging masaya at maganda ang pagtatrabaho o ang nangyayari sa opisina. Dumara­ting ang pagkakataong nagkakaroon tayo ng problema sa ating ginagawa, sa boss at ma­ging sa kasamahan natin sa trabaho. Sa ganitong mga panahon o pagkakataon, paano nga ba ito haharapin? Ano-ano nga ba ang kailangan na­ting gawin?

HUMINGANG PANANDALI

BAD WORK DAYAlam naman nating may kaakibat na responsibilidad ang pagtatrabaho. Nariyan ding masaya tayo at may mga araw na malungkot. Hindi rin maiiwa-san ang problema.

Kung may kinahaharap na hindi maganda o problema, huminga na muna bago simulan ang nakaatang na gawain. Puwedeng maglakad-lakad muna para lumamig ang ulo at maibsan ang nadaramang inis.

Sakali mang may nakagalit, nakaaway o nakasagutan, dumistansiya na muna nang hindi lumala ang problema. Isipin din muna ang mga sasabihin bago magsalita. Iwasan ang pagsigaw sa kasamahan sa trabaho dahil hindi ito maganda.

Puwede ka ring lumabas muna para makapag-isa at makapag-isip-isip.

MAGING PROPESYUNAL

Maging propesyunal tayo. Huwag nating personalin ang mga bagay-bagay. Halimbawa, nagkagalit kayo ng boss mo o sabihin na nating nasigawan ka, huwag na huwag mo iyong mamasamain. Huwag kang agad na magagalit. Isipin muna kung may nagawa ka bang pagkakamali kaya ka napaga-galitan. Kung mayroon, hu­mingi ka ng tawad o kaya naman magpaliwanag ka. At kung wala ka namang ginawang masama, komprontahin mo para matuldukan ang kung anumang hindi pagkakaunawaan. Kausapin mo siya nang luminaw ang lahat.

Ang trabaho ay trabaho. Kumbaga, kung ano man ang naging problema mo sa opisina ay huwag na huwag mo ring dadalhin sa labas dahil tiyak na ikaw lang ang mahihirapan.

MAG-ISIP NG MAGAGANDANG BAGAY PARA SUMAYA

Okey, malungkot ka at bad trip. Masama ang pakiramdam mo. Naiinis ka sa kung anumang dahilan. Pero hindi porke’t puro negatibo ang na-raram­daman mo ay magpapaapekto at magpapadala ka na lang.

Sa ganitong panahon at pagkakataon ay mas maiging isipin o mag-isip ng magagandang bagay na nangyari sa iyo o puwedeng mangyari sa iyo.

Oo, may mga pagkakataong hindi katuwa-tuwa ang nangyayari sa opisina. Ganoon naman talaga. Maraming puwedeng mangyari sa isang lugar lalo na at hindi naman kayo pare-pareho ng iniisip at pagtingin sa bagay-bagay. Idagdag pang nakadarama ang marami ng stress sa rami ng nakaatang na gawain.

Gayunpaman, sabihin man nating nagkakaproblema tayo sa opisina o hindi maganda ang kinahaharap natin, mag-isip tayo ng maganda. Lahat ng bagay ay may dahilan, tandaan din natin iyan.

MAKINIG NG MUSIKA

BAD WORK DAYIsa rin sa nakapagpapaganda ng pakiramdam ang pakikinig ng musika. Kaya kung medyo bad trip ka o tila pinagsakluban ka na ng langit at lupa, ma­kinig ka ng musika. Pi­liin mo ang mga musikang gusto mo at nagi­ging masaya ang iyong kabuuan.

Matuto rin tayong balansehin ang mga bagay-bagay—ang personal nating buhay at maging ang pagtatrabaho natin. Hindi puwedeng puro trabaho na lang tayo at napababayaan na natin ang ating sarili. Hindi rin naman puwedeng puro sarili na lang ang inaatupag natin at hindi tayo nagtatrabaho. Bal-anse. Lahat ng bagay, dapat ay binabalanse natin nang umayon ito sa kagustuhan natin.

MAGHANAP NG MAKAKAUSAP

Kung sobra na at tila puputok na ang dibdib mo, huwag mong dibdibin. Ilabas mo. Maghanap ka ng taong mapagkakatiwalaan at ikuwento mo sa kanya ang nararamdaman mo at nangyayari. Pero huwag ka namang mag­hanap ng away. Dagdag-problema iyan.

May ilan na sinasarili ang problema. Pero may hindi ito magandang naidudulot. Mas lalo ka lang magkakaproblema kapag sinarili mo ang lahat.

Malaki ang naitutulong para maibsan ang bigat na nadarama kapag may nakakausap tayo o naihihinga natin sa iba ang sama ng loob na nadarama na-tin. Kaya naman, subukan din ito nang sa ganoon ay mabawasan ang bigat na iyong dinadala.

UMIYAK KUNG KINAKAILANGAN

Para sa ilan, kahinaan ang pag-iyak. Kaya kahit na gustong-gusto nang lumagpak ang luha sa kanilang mga mata, pinipigil nila. Natatakot kasi silang husgahan ng iba. Natatakot sila sa sasabihin ng makakikita sa kanila.

Hindi masama ang umiyak. Oo, sinasabi nating ang pagtawa ay malaki ang naitutulong upang mapaganda ang ating pakiramdam at kabuuan. Napa-karami rin nitong benepisyo. Gayunpaman, hindi rin masama ang umiyak kapag may problemang kinahaharap. Mas maganda nga iyong nailalabas nang hindi maipon sa loob.

LUMABAS KASAMA ANG PAMILYA

Pagkatapos ng nakapapagod na trabaho, importante ang pagpapahinga. At isa sa magandang gawin ay ang paglabas kasama ang pamilya at mga kaibigan. Magkuwentuhan kayo. Kumain. O kaya naman ay manood ng sine. Malaki ang maitutulong nito upang ma-relax ka at mawala ang galit, inis o sama ng loob na nasa iyong dibdib.

MAG-EHERSISYO

Isa pa sa mainam gawin ay ang pag-eehersisyo. Kaya kung stress ka, maglaan ng panahong mag-ehersisyo nang mawala ang stress na nadarama.

Napakaraming dahilan kung kaya’t nakadarama tayo ng stress. Marami ring dahilan kung bakit hindi nagiging maganda ang araw natin sa opisina. Gayunpaman, matuto tayong i-handle ito. CT SARIGUMBA (photos mula sa google)