IKAKASAL na sana si Aizalyn Escorido sa kanyang kinakasama nang malaman nilang buntis siya, ngunit nagkaroon ng problema. As usual, wala silang pera. Kapos ang badyet kahit pa sa civil wedding.
Mayroon lamang silang P3500, at kahit pa ninong at ninang lamang ang pakakainin nila sa restaurant – na hindi puwede dahil marami silang kaibigan at kamag-anak – hindi pa rin kasya dahil higit sa kalahati ng nasabing pera ay magagastos sa pag-aayos ng mga papeles para sa kasal.
Bukod dito, manganganak siya. Kailangan din nila ang perang pambayad kahit sa Lying-inn man lamang, at aabot iyon ng P4500 o higit pa. Ang masakit pa nito, construction worker lamang ang kanyang asawa, na madalas ay walang kinikita, dahil arawan ang bayad dito at hindi naman laging may nagpapagawa ng bahay.
Dahil dito, nagpasiya silang ipagpaliban muna ang kasal. Sa halip, naisipan ni Aizalyn na gumawa ng paraan upang mapalaki ang P3500 na nasa kamay niya sa pamamagitan ng pagtitinda ng pagkain sa tapat ng isang grocery store.
Suntok sa buwan ang kanyang desisyon dahil hindi niya alam kung papatok ang kanyang negosyo. Noong unang linggo ay halos break even lamang siya at ang nagiging tubo ay ang libre nilang pagkain sa araw-araw. Hindi na rin masama, aniya sa sarili, dahil hindi nababawasan ang kanyang pera at kumakain din silang mag-asawa ng tama sa oras.
Ngunit habang nagtatagal ay dumarami ang kanyang customer. Nakarating na rin sa mga tindera sa palengke na masarap at mura ang niluluto niyang tanghalian kaya sa wakas ay kumikita na rin siya kahit paano.
Hindi nagtagal, ang P3500 niya ay nadagdagan ng P1000, halos sapat na para sa kanyang panganganak sa ospital, kung normal ang delivery. Pero dahil panganay, hindi siya sigurado. Aabot sa P20,000 ang caesarean at napakalayo pa nito sa kanyang ipon. Paminsan-minsan ay kumikita rin naman ang kanyang asawa ngunit kung ito ang aasahan ay posibleng hindi niya maabot ang kailangang badyet kaya naisipan niyang mag-expand.
Bukod sa tanghalian, nagtinda na rin siya ng merienda sa umaga at hapon. Medyo matrabaho ito kaya kinailangan niya ang tulong ng kanyang asawa. Ito ang naging taga-deliver sa mga customer.
Hindi naglaon, nakaipon na siya ng P10,000. Doon niya naisipang magkaroon ng puwesto sa harapan mismo ng isang grocery store na pag-aari ng isang Chinese. Pumayag naman ang may-ari ng grocery store na pumuwesto siya ng libre. Pinagawa niya ang kanyang asawa ng food cart, at doon na nila dinadala ang mga pagkaing kanilang niluto.
Magkatulong nilang inayos ang kanilang negosyo, at nang dumating ang araw ng kanyang panganganak ay ang kanyang asawa ang pansamantalang tumao o nagbabantay ng kanilang tindahan.
Sa ngayon, apat na ang kanilang anak. Kumikita na umano sila ng P1000 o mahigit pa sa loob ng isang araw. Doon na nila kinukuha ang panggastos ng pamilya, pati na rin ang gastusin sa pag-aaral ng mga bata.
“Kapag umuulan o may bagyo, mahina ang kita,” ani Aizalyn. “Pero ganoon talaga ang negosyo. Pero permanente naman ang delivery namin ng tanghalian sa mga tindera at empleyado kaya hindi rin naman zero,” dagdag pa niya.
“Sa loob ng 10 taon naming pagtitinda, naka-survive kami sa mga pang-araw-araw naming pangangailangan, kahit pa kung minsan ay may nagkakasakit din sa amin. Dito na namin kinukuha ang lahat naming gastusin.”
Sa ngayon, nagbabalak si Aizalyn na kumuha ng tindera para sa kanyang food cart dahil mas dumarami pa ang kanyang kliyente.
“Ang sikreto po,” aniya, “dapat iba-iba ang ulam araw-araw para hindi sila nagsasawa, at dapat din, mura lang. Hindi dapat magbago ang presyo. Kung magbago man dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kaunti-kaunti lang.” (photos mula sa gcpr.net, migrationology.com at blog.capitalfloat.com). NENET VILLAFANIA
Comments are closed.