CAMP CRAME – IBINULGAR ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa na plano ng isa sa 357 police official na sangkot sa droga na maghain ng optional retirement.
Gayunman, tiniyak ni Gamboa na sakaling mapatunayang sangkot ito sa drug transactions ay hindi pa rin ito ligtas sa kaso.
Sa ngayon pinamamadali na ni Gamboa ang pag-iimbestiga sa 357 na police officers na kabilang sa drugs watchlist ng Pangulong Rodrigo Duterte at may mga ranggong mula Patrolman hanggang Brigadier General.
Inaasahang ilalabas ang resulta ng imbestigasyon matapos ang dalawang linggo.
Hindi naman isinasapubliko ng PNP ang pangalan ng mga nasa drug watchlist hanggat patuloy ang imbestigasyon.
Aminado naman si Gamboa na nasasaktan siyang imbestigahan ang kanyang mga kapwa pulis dahil sa isyu sa ilegal na droga pero bahagi aniya ito ng kanilang ipinatutupad na internal cleansing program.
Ngayong Linggo ay ay nagsimula ang validation process sa mga isinasangkot na pulis at inaasahang matatapos sa buwang ito.
Sinabi ni Gamboa na dalawang level ang kanyang ini-assign sa validation process, una ay ang regional o Directorial Staff Adjudication boards at ipapasa ito sa National Adjudication Board na pinangunguhan ni PNP Deputy Chief PNP for Administration, Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan.
Kahapon naman sa pagdalo ni Cascolan sa 29th Founding Anniversary ng Police Regional Office 4A (Calabarzon), umapela ito sa mga opisyal doon na magsuhestiyon o magkomento para sa kanyang ginagawang proseso hinggil sa imbestigasyon sa mga 357 police officer na nasa hotseat. REA SARMIENTO
Comments are closed.