BAGO SA TRABAHO?

FIRST DAY

(Ni CT SARIGUMBA)

KABA, iyan ang pakiramdam na nagpapagulo sa ating puso’t isipan sa tuwing matatanggap tayo sa tra-bahong ating inaplayan. Oo nga’t walang mapagsidlan ang tuwang ating nadarama. Ngunit hindi pa rin mawawala ang kaba. Kaba na baka magkamali tayo sa trabahong sisimulan natin. Kaba na baka hindi tayo magustuhan ng mga katrabaho natin.

Sa totoo lang, lahat naman ng bago sa trabaho ay nakadarama ng kaba. Hindi iyan nawawala lalo na’t nangangapa pa tayo sa mga kailangan nating gawin. Nariyan ding ina­alala natin kung magugustuhan ba tayo ng ating katrabaho. Gayundin kung magugustuhan nila ang kinalabasan ng ating tra-baho.

Dahil hindi mawala-wala ang kaba at pag-aalinlangan kapag first day sa trabaho, narito ang ilang simpleng tips na makatutulong upang maging kampante’t  magawa ng maayos ang nakaatang na gawain.

PAGHANDAAN ANG FIRST DAY SA TRABAHO

Nakakakaba nga naman ang first day sa trabaho, gayunpaman ay paghandaan ito. Sa paghahanda naman, mai­nam kung magre-research ka sa kom-panyang iyong papasukan.

Mas malaki ang tiyansa mong makasabay sa mga katrabaho kung may kaalaman ka sa kompanyang papasukan gayundin sa trabahong iyong gaga-win.

Mas maganda rin kasi iyong may alam ka na kahit na first day mo pa lang sa trabaho.

 MAGTANONG KAPAG MAY HINDI NAINTINDIHAN

Hindi masamang magtanong lalo na kung mayroon kang ‘di maunawaan o maintindihan.

Hindi kahinaan ang pagtatanong, tandaan natin iyan.

Kaya’t kung may hindi ka man naintindihan, makabubuti kung magtatanong ka nang maliwanagan.

HUWAG MATAKOT NA MAGKAMALI

Marami sa atin ang takot na magkamali lalo na’t unang araw sa trabaho.

Hindi masama ang magkamali. Hindi ito kasalanan. Lahat naman tayo ay nakagagawa ng pagkakamali at kung mangyari man iyon o magkamali man tayo, huwag tayong matakot. Basta’t maging leksiyon sa atin ang ginawa nating pagkakamali.

PUMASOK NG MAAGA

Sa unang araw sa trabaho, importante rin ang pagpasok ng maaga. Oo, kahit na umalis tayo ng maaga sa bahay, kung minsan ay nahuhuli pa rin tayo dahil na rin sa sobrang traffic.

Mainam gawin nang hindi mahuli sa trabaho, umalis ng mas maaga. Iyong tipong kahit na ma-traffic ng sobra, makararating pa rin ng maaga sa of-fice.

Hindi lang din dapat sa unang araw sa trabaho ka papasok ng maaga kundi sa araw-araw.

NGUMITI AT MAG-RELAX LANG

Kapag bago sa trabaho at nakikiramdam pa sa mga kasamahan, hindi nawawala iyong kinakabahan tayo’t hindi mapalagay. Natural lamang iyon. Pero huwag masyadong magpa-stress o mag-isip ng hindi maganda.

Mas mabuting gawin ay ang ngumiti at mag-relax lang. Kumbaga, ma­ging natural lang. Gawin nang maayos ang trabaho. Magtanong din kapag may hindi naintindihan at huwag mahihiya o mag-aalangan.

OBSERBAHAN ANG MGA KATRABAHO

Makatutulong din upang matutunan ang mga pasikot-sikot ng trabahong inumpisahan kung oobserbahan ang mga kasamahan. Sa pamamagitan ng pag-observe ay matututo ka kung paano nila tinatapos o ginagawa ang nakaatang sa kanilang gawain.

Hindi rin naman kailangang nakatunghay ka sa kanilang ginagawa nang malaman mo kung paano nila ito tinatapos. Kahit ang pasimpleng pag-observe ay malaki na ang maitutulong upang magkaroon ka ng kaalaman sa ginagalawan mong opisina.

IWASAN ANG PAGPAPA-IMPRESS SA MGA KASAMAHAN

Hindi maiiwasan ang mga empleyadong pa-impress sa unang araw nila sa trabaho. Ipinakikita ang kanilang kakayahan. May ilan ding nagpapanggap para lang ma-impress ang mga katrabaho.

Hindi naman kaila­ngang magmagaling o magpa-impress. Mas makatutulong ang pagtatrabaho nang maayos.

Iwasan din ang pagpi-pretend dahil wala iyang maitutulong na maganda o mabuti.

Hindi naman talaga nawawala ang kaba lalo na kung first day natin sa trabaho. Gayunpaman, huwag tayong padadaig sa kabang ating nadarama. Gawin natin nang maayos ang ating trabaho. Aralin natin ang gawaing nakaatang sa atin. (photo credits: careersinfood.com, hrinasia.com, lsbc.lu at rd.com)

Comments are closed.