(Bago umangkat) LOKAL NA SUPPLY PALAKASIN

SEN IMEE MARCOS

IGINIIT ni Senadora Imee Marcos sa Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na palakasin muna ang transportasyon at pagde-deliver ng mga lokal na produktong pang-agrikultura bago mag-angkat at magpatupad ng price control sa harap ng tumataas na presyo ng mga bilihin.

Ayon kay Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, ang “knee-jerk reaction” o pagkataranta ng DA at DTI na gamitin ang importasyon bilang solusyon sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay magsusubo lamang sa mga maggugulay, magbababoy, at magmamanok sa mga mapag-samantalang trader at cartel.

Sa Senate Resolution 619, pinaiimbestigahan ni Marcos ang P24 billion emergency funding para sa DA sa ilalim ng Bayanihan 2, pati na rin ang pagkabigo ng DTI na ipatupad ang mga suggested retail price nito sa mga bilihin.

“Ang kalat at medium-term programs ng DA, kabilang na ang pag-develop sa agri-entrepreneurs at ng mga research at business ‘corridors’, ay walang direktang maitutulong sa problema ngayon sa mataas na presyo ng bilihin at kapos na suplay,” paliwanag ni Marcos

“Hindi na dapat ito isinama pa una pa lang sa listahan ng Bayanihan 2, hindi rin naman ito sagot sa pandemya o maging sa kakulangan sa agrikultura na ating kinakaharap ngayon,” dagdag ni Marcos.

“Babala lamang na dapat muna nating ubusin ang lahat ng lokal na suplay ng pagkain bago magkumahog na naman ang DA sa importasyon. Baguhin na natin ang masalimuot na prosesong ito sa isang mas angkop na paraan, na ang makikinabang ay kapwa mga magsasaka at mga pobreng mamimili,” sinabi pa ni Marcos.

Nangangamba pa rin ang mga magsasakang taga-Benguet na maaaring mabulok ang kanilang ani sa mga lokal na bagsakan dahil sa kakulangan ng mga pick-up at delivery truck.

Samantala, nababahala naman ang mga magbababoy na posibleng lalong lumala ang kaso ng African swine fever (ASF) sa bansa sa pagpasok ng mga imported na karne.

“Simulan muna ang pagpapadala ng mas maraming trak na mangongolekta at magdedeliber ng mga produkong pang-agrikultura mula mismo sa mga magsasaka. Marami pang mga lokal na produktong naghihintay na maibenta,” ani Marcos.

“Bukod dito, bilisan na rin ang paglikha at presensiya ng mga Kadiwa Center na nabuo noon pang 70s na nag-aalok ng mas mababang farmer-to con-sumer prices sa mga mahihirap na komunidad at malalayong lugar na ‘di mapuntahan,” dagdag pa ng senadora.

Dahil sa importasyon, babala ni Marcos, posibleng maging totoo ang prediksiyon na pagsapit ng 2030, tuluyan nang mawawala ang mga lokal na magsasaka na sa ngayo’y nasa 57 years old ang karamihan. VICKY CERVALES

Comments are closed.