NAGTALAGA si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Atty. Benjamin Abalos Jr ng bagong mamumuno sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Opisyal nang nanungkulan kahapon si Jail Chief Superintendent Ruel Silva Rivera bilang acting Director ng BJMP.
Pinalitan ni Rivera si outgoing Chief Jail Director Allan Iral na nakatakda nang magretiro.
Pinangunahan ni Abalos ang Turnover of Command Ceremony para sa bagong pamunuan ng BJMP na ginanap sa Philippine National Police (PNP) National Headquarters Building sa Camp Crame, Quezon City.
Sa kanyang mensahe, inihayag ni Abalos ang buong suporta nito kay Rivera bilang bagong BJMP acting chief.
Hinikayat din ng kalihim ang bagong hepe na ipagpatuloy ang pagpapaigting sa rehabilitation programs ng kawanihan lalo sa Persons Deprived of Liberty (PDLs) na may kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.
Si Rivera ay bahagi ng PATNUBAY Class of 1995 sa Philippine National Police Academy (PNPA) na nagsilbing Regional Director ng BJMP-MIMAROPA mula 2013 hanggang 2014 hanggang maging bahagi ng Command Group noong 2017. VERLIN RUIZ/EVELYN GARCIA