PLANO ng pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sa pamumuno ni General Manager Royina Garma, na bumuo at magpakilala ng mga bagong palaro na tatangkilikin ng masa, upang mapalaki pa ang kanilang kita na gagamiting pantulong sa mga nangangailangang mamamayan.
Ayon kay PCSO Assistant General Manager for Gaming Arnel Casas, marami silang bagong laro na ikinakasa sa ngayon upang makahikayat pa ng mga mananaya.
Bukod dito, plano rin aniya nilang i-repackage ang iba pa nilang mga palaro na hindi masyadong tinangkilik ng publiko upang makabawi ang mga ito mula sa mababang kita.
“Definitely marami nasa pipeline na mga games marami rin repackage na games we should address the decline sa games namin,” ani Casas sa isang pulong balitaan.
Samantala, iniulat rin naman ni Garma, na kumita ang PCSO ng mahigit P44 bilyon noong nakaraang taon.
Ayon kay Garma, mas mababa ito ng 31 porsiyento kumpara noong nakaraang taon, na nakapagtala ng P63.5 bilyong kita.
Ipinaliwanag niya na ang pagbaba ng kita ay epekto sa kanila ng Train Law.
Bumaba rin umano ang kita mula sa lotto mula sa dating P31 bilyon noong 2018 ay naging P21 bilyon na lamang ito.
Nagsimula ang pagbaba ng profit sa lotto matapos na mapanalunan ang P1.18 bilyon na jackpot prize noong 2018.
Sa kabila naman nito, tiniyak ni Garma na nagkasa na sila ng mga pamamaraan upang makabawi at mapataas muli ang kanilang kita.
Bukod sa pagbuo ng mga bagong palaro, plano rin umano nilang palitan ang pangalan ng ilang PCSO games, babaan ang halaga ng taya sa Keno games mula sa dating P12 ay gawing P10 at ipatupad ang balik taya para sa Lotto at Keno games.
Tiniyak rin naman ni Garma na hindi sila titigil sa pagkakaloob ng tulong sa mga taong nangangailangan ng financial support para sa kanilang gamot, gayundin sa mga biktima ng kalamidad.
Muli rin namang hinikayat ni Garma ang publiko na tangkilikin ang mga PCSO games upang mas marami pa silang matulungan na nangangailangan.
“Sana po nananawagan ako na the more po na tangkilik natin ang lotto natin the more funds po na pumapasok,” panawagan pa ni Garma. “Makatutulong ang pondo to touch ang change the lives of people sa iba’t ibang ahensya.”
Sa kasalukuyan, kabilang sa mga PCSO games ay lotto, Keno, Small Town Lottery (STL), Peryahan, Instant Sweepstakes, at iba pa. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.