UMAABOT na lamang ngayon sa mahigit 29,000 ang mga aktibong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ito’y matapos na makapagtala ang Department of Health (DOH) ng mahigit sa 2,000 mga bagong kaso ng sakit at mahigit 4,000 namang pasyente na nakarekober na mula sa karamdaman.
Batay sa case bulletin #606, nabatid na nakapagtala ang DOH ng 2,646 mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas nitong Miyerkoles, Nobyembre 10.
Mas mataas ito ng 1,237 kaso kumpara sa 1,409 lamang na kaso na naitala ng DOH kahapon, Nobyembre 9.
Dahil sa mga bagong kaso ng sakit, umaabot na ngayon sa 2,809,311 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.
Sa naturang kabuuang bilang, 1.0% na lamang o 29,138 ang aktibong kaso o may potensiyal pang makahawa, kabilang ang 60.8% na nakakaranas ng mild symptoms, 17.36 % na moderate cases, 10.4% na severe cases, 7.0% na asymptomatic o walang nararamdamang sintomas, at 4.4% na kritikal.
Mayroon ding 4,029 mga pasyente ang gumaling na sa karamdaman, kaya’t sa kabuuan, nasa 2,735,508 na ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 97.4% ng total cases.
Nasa 99 pasyente ang nasawi dulot ng COVID-19 kaya’t sa kabuuan, nasa 44,665 na ang COVID-19 deaths sa bansa o 1.59% ng total cases. Ana Rosario Hernandez