LAGUNA-PORMAL ng iprinoklama at nanumpa COMELEC bilang bagong pangulo ng Liga ng Barangay (LNB) si San Antonio Barangay Chairman Eugenio Ynion Jr. nitong Enero 15,2024 sa San Pedro City sa lalawigang ito.
Matatandaang ang San Pedro City lamang ang nag-iisang hindi pa nagkaroon ng eleksyon ng Liga Ng Barangay kung saan unang itinakda ang halalan ng LNB noong nakaraang Disyembre 15,2023 subalit sa kadahilanang hindi nagkaroon ng quorum o kakulangan ng sapat na bilang ng mga kapitan ang lumahok sa eleksyon ay naging sanhi ng “failure of election”.
At nitong nakaraang Linggo, nagpalabas ng kautusan ang DILG na magpatupad na ang LGU ng San Pedro City ng eleksyon ng LBN kaya’t nitong Lunes ay kaagad tumalima at nagsagawa ang mga kapitan kasama ang ilang konsehal ng nabanggit na siyudad ng isang halalan.
Sinaksihan nina COMELEC EO Fahad Lucman at DILG City Director Leny Bautista ang idinaos na halalan sa loob ng Sangguniang Panglunsod ng San Pedro City na dinaluhan ng 14 kapitan na mula sa 27 barangays.
Nagwagi si Ynion bilang Presidente ng San Pedro City LNB, nahalal din si Kap. Vioquelin Pascual ng Barangay Magsaysay bilang Vice President,at Chairman Restituto Hernandez ng Barangay Chysanthemum’s bilang Auditor.
Nanalo naman bilang mga Board Member sila Kap Bernabe Baldomar, Kap Rodolfo Dimaunahan,Kap Larry Ligmo, Kap Edwin Matunog, Kap Reinelin Talaga, Kap Roberto Ordan, at Kap Samuel River. BONG RIVERA