(Bagong patakaran ng BIR sa mga kontraktor) WALANG TAX CLEARANCE, WALANG BAYAD

KINAKAILANGAN nang kumuha ng tax clearance mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga kontratista ng gobyerno upang matanggap ang buong bayad para sa kanilang mga proyekto.

Naglabas ang ahensiya ng Revenue Regulation No. 017-2024 na pormal na nag-uutos sa mga kontratistang nagtatrabaho sa gobyerno, sa mga ahensiya ng pambansang pamahalaan, mga yunit ng lokal na pamahalaan, mga korporasyong pag-aari at kontrolado ng gobyerno o mga state universities and colleges na magprisinta ng updated tax clearance bago ang huling bayaran ng kanilang mga kontrata.

Sinabi ng ahensiya na ang Government Procurement Reform Act (RA No. 9184) ay nangangailangan na ng mga bidder para sa mga kontrata ng gobyerno na magsumite ng tax clearance bilang bahagi ng mga eligibility requirements.

Bukod dito, ang Executive Order No. 398 (2005) ay nag-aatas na ang mga kontraktor ng gobyerno ay dapat magpakita ng buo at tamang oras ng pagbabayad ng buwis.

Kinakailangan ng mga kontratista na regular na magsumite ng tax clearance mula sa BIR kasama ang mga kopya ng kanilang income at business tax returns.

“The above provisions clearly show that the BIR clearance is not only required to be submitted by the contractor during the procurement process as an eligibility requirement. To ensure the full and timely payment of taxes, the BIR tax clearance must also be presented by the contractor on a regular basis as proof of tax compliance during the duration of the contract with the government” ayon sa BIR.

Ang mga kontratistang hindi makapagbibigay ng tax clearance ay nanganganib na hindi mabayaran.

Ipinaliwanag pa ng BIR na kung walang tax clearance, ang huling bayad ay masasailalim sa isang lien upang matiyak na mababayaran ang mga natitirang pagkakautang sa buwis ng kontratista.
RUBEN FUENTES