(Bagong problema ng PDEA) ‘FENTANYL’ DRUGS UMUUSBONG SA PINAS

ANG ‘fentanyl’ na isang malakas na anti-pain medication na ginagamit sa cancer patients na nasa end-stage na ang umuusbong na bagong problema na droga sa Pilipinas.

Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Moro Virgilio Lazo, dahil dito ay patuloy na nilang inaalam ang source ng ‘fentanyl’ sa bansa at nakikipag-ugnayan na sila sa kanilang foreign counterparts para tulungan sa pangangalap ng impormasyon hinggil dito.

Kasabay nito, kinumpirma rin ni Lazo na patuloy pa ring ginagamit ang Pilipinas bilang transshipment point para sa international illegal drug smuggling at problema umano nila ang pagkakasangkot ng ilang pulis sa illegal drug trade.

Aniya, ang mga ipinagbabawal na droga galing Burma, Laos, at Thailand ay ibinebenta sa Maynila habang ang mga natitirang suplay ay ipinuslit sa Europe, US, Australia, at New Zealand.

Tiniyak naman ng PDEA chief na ginagawa na nila ang lahat ng kanilang makakaya upang matukoy, mahuli at makasuhan ang tiwaling mga pulis.
EVELYN GARCIA