(Bagong record high)UTANG NG PH LUMOBO PA SA P13.64-T

Bureau of the Treasury

PUMALO na sa P13.64 trillion ang utang ng Pilipinas noong Oktubre sa gitna ng patuloy na pangungutang ng pamahalaan para suportahan ang fiscal requirements nito, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr). Tumaas ito ng P123.92 billion o 0.92 percent mula sa P13.51 trillion noong Setyembre.

Magmula noong umpisa ng 2022, ang utang ng bansa ay tumaas ng P1.91 trillion o 16.31 percent.

Sa kabuuang utang, nasa P9.36 trillion, o 68.58 percent ang hiniram mula sa local lenders, habang ang nalalabing P4.29 trillion ay hinugot sa foreign lenders.

“For October, the increment to domestic debt was primarily due to the net issuance of government securities amounting to P55.83 billion while local currency appreciation against the US dollar trimmed P1.25 billion,” pahayag ng BTr.

Ayon sa ahensiya, ang domestic debt ay tumaas ng P1.18 trillion o 14.5 percent magmula nang mag-umpisa ang taon dahil sa patuloy na pagpili ng gobyerno sa domestic financing para maiwasan ang foreign currency risk.

Sa kabila nito ay tumaas pa rin ang foreign debt ng P69.34 billion o 1.64 percent mula sa end-September level dahil sa P118.71 billion net availment ng foreign financing.

“This was partly offset by the favorable net impact of both local- and third-currency fluctuations against the USD amounting to P43.07 billion and P6.30 billion, respectively,” ayon pa sa Treasury.

Magmula noong Enero, ang foreign debt ay lumobo ng P727.65 billion o 20.45 percent sanhi ng local- and third-currency fluctuations na nagpataas sa peso value ng foreign-denominated obligations.

Ang Pilipinas ay nangutang nang malaki sa huling dalawang taon ng termino ni dating Presidente Rodrigo Duterte para tustusan ang COVID-19 pandemic response ng bansa, gayundin ang infrastructure programs nito.