NAGBABALA kahapon si National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar sa 439 mga bagong pulis na nanunumpa kahapon sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City na huwag gumawa ang mga ito ng kalokohan bunsod sa sunod-sunod na kontrobersiya na kinasasangkutan ng ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP).
Iginiit nito, sa mga nasabing bagong pulis na maging tapat sa kanilang propesyon bilang mga bagong miyembro ng PNP at gawing tama ang kanilang sinumpaang tungkulin.
Ayon kay Eleazar pinagtibay nila ang kanilang recruitment and selection policy na kinabibilangan ng 314 lalaki at 125 naman na babae.
Kumpiyansa si Eleazar na nasala ng husto ang 439 na mga bagong miyembro ng kanilang puwersa.
Subalit, nilinaw nito na magiging permanente lang ang rookie cops kapag nakalusot sila sa isang taon na disciplinary training at masubukan ang kanilang kakayahan sa pagpapatrolya, pag-iimbestiga at pagsasaayos sa daloy ng trapiko. MARIVIC FERNANDEZ