ISA sa mga bahagi ng bagong batas na Ease of Paying Taxes Act ay ang BIR Regulation RR 7-2024.
Inilabas ito noong nagdaang buwan ng Abril at ipatutupad isang buwan pagkatapos nito, sa huling bahagi ng Mayo.
Inaasahan ng pamahalaan na sa pamamagitan ng mga bagong regulasyon ay mapapadali ang pagbabayad ng buwis.
Isa sa malaking pagbabagong kabilang sa regulasyong ito ay ang paggamit ng accrual basis imbes na ang dating cash basis sa accounting ng mga negosyo. Ibig sabihin, kapag nag-issue ng invoice ang isang kompanya o negosyo, nangangahulugan na itong “sale” para sa pamahalaan. Dati kasi, itinuturing na “sale” ang isang transaksiyon kung nakatanggap na ng official receipt ang nagbayad.
Dahil sa pagbabagong ito, sales invoice o service invoice na ang pangunahing dokumento na kailangang i-issue ng isang negosyo bilang patunay na may kinita siya mula sa transaksyon. At dahil malapit na ngang magsimula ang pagpapatupad nito, nagmamadali ang lahat upang i-convert ang mga natitirang resibo at gawin itong sales/service invoice na maaaring magamit hanggang sa dulo ng taong kasalukuyan.
Kailangan lamang magtungo sa RDO ang mga may hawak ng lumang booklets ng resibo upang maipatala ang mga numero nito, bago burahin ang nakasaad na “Official Receipt” at palitan ng salitang “Invoice”. Bago matapos ang taon, kailangang makapagpaimprenta ang lahat ng mga negosyo at kompanya ng mga bagong Sales/Service Invoice na mayroong Authority to Print. Ang mga bagong invoice ay gagamitin pagpasok ng taong 2025.
Para sa karagdagang detalye at impormasyon, maaaring bumisita sa website ng BIR.