SI EJ Obiena pa rin ang pinakamahusay na pole vaulter sa Southeast Asia.
Naidepensa ng Pinoy Olympian ang kanyang gold medal sa Southeast Asian Games nang muling madominahan ang men’s pole vault via record-setting performance sa Hanoi, Vietnam.
Nagtala si Obiena ng 5.46 meters upang burahin ang kanyang naunang rekord na 5.45 meters sa biennial meet.
Tinangka ni Obiena na wasakin ang kanyang personal Asian record sa kanyang attempt sa 5.94 meters, subalit nabigo siyang gawin ito sa tatlong attempts.
Nagwagi siya ng gold medal sa 2019 edition ng biennial meet na idinaos sa bansa.
Si Obiena, na muntik nang hindi sumabak sa SEA Games dahil sa alitan nila noon ng kanyang mother club, ay kasalukuyang number 6 sa pole vault world rankings. Tangan din niys ang Asian pole vault record sa 5.93 meters.