NAIPOSTE ni Filipino pole vaulter EJ Obiena ang kanyang bagong season-best na 5.80 meters at nakopo ang bronze medal sa Roman stop ng 2020 Rome Diamond League noong Huwebes.
Ang 24-year old na si Obiena ay tumabla kay Ben Broeders sa 5.80-meter clearance, subalit nakuha ng Belgian ang silver matapos na makumpleto ang height sa dalawang attempts. Ang Olympic-bound Pinoy ay nangailangan ng tatlong attempts para maitala ang kanyang bagong season-best.
Gumawa ng kasaysayan si Armand Duplantis ng Sweden sa kanyang gold medal finish makaraang maiposte ang world record 6.15 meters sa kumpetiyon. Winasak niya ang 26-year world record ni Ukrainian pole vaulter Sergey Bubka na 6.14 meters.
Matikas ang simula ni Obiena sa kanyang 5.45 at 5.60 meters clearance, na kapwa naisagawa niya sa isang attempt. Naitala niya ang 5.70-meter mark sa kanyang ikalawang attempt.
Ang bagong season-best record ni Obiena ay gahiblang kapos sa kanyang personal-best 5.81 meters, na naitala sa isang torneo sa Chiara, Italy noong September 2019. Ang performance niya roon ang nagbigay sa kanya ng tiket sa Tokyo Olympics na ipinagpaliban sa 2021.
Ang Rome competition ay ika-6 na podium finish ni Obiena sa walong torneo buhat nang simulan niya ang kanyang i2020 season noong Agosto. Sa kasalukuyan ay nakalikom na si Obiena ng 1 gold, 2 silvers, at 3 bronzes.
Ang 2019 Southeast Asian gold medalist ay muling sasabak sa Doha Diamond League sa Sept. 24.
Comments are closed.