DAHIL sa pagkakatayo ng bagong tulay na Sitio Brown Bridge sa bayan ng San Miguel, Bulacan tiyak na ang pag-unlad ng agrikultura dahil madali nang maihahatid ang mga produktong agrikultura sa karatig bayan at sa Metro Manila.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan Second District Engineer Ramiro Cruz, ipinaliwanag nito na noon ang mga mag-aaral ay napipilitang tumawid sa Sitio Brown River para lamang makapasok at makapag-aral sa Sibul High School nang nakayapak at nalalagay sa panganib ang kanilang buhay sa tuwing tumatawid sa ilog lalo na tuwing bumubuhos ang malakas na ulan kapag malakas ang current ng tubig sa ilog.
Sinabi ni Cruz sa tuwing masama ang panahon at malakas ang buhos ng ulan ang mga mag-aaral ay nahaharap sa panganib lalo na sa buwan ng Mayo hanggang Nobyembre dahil sa malakas na agos ng tubig sa ilog.
Dahil sa pagkakagawa ng naturang tulay ay nagbigay ng malalim na pagpapahalaga si Bulacan Third District Rep. Lorna Silverio sa DPWH at sinabing sa ngayon makakadaan na nang ligtas ang mga tao sa Sitio Brown.
Ang naturang tulay na pinaglaanan ng P50 milyong pondo ay matatagpuan sa 85 meter-long river channel ng Bulacan sa bayan ng San Miguel patungo sa Dona Remedios Trinidad.
Nag-uugnay ito sa Barangay Kalawakan ng Dona Remedios Trinidad na may walong sitios ng Durumungan, Pantingan, Tubigan, Ginebra, Betis, Talamsi I, Talamsi II at Conacon patungo sa bayan ng San Miguel at iba pang lugar papunta sa Manila.
“Ang mga pananim at iba pang naaanim produkto sa bukid mula sa Dona Remedios Trinidad ay madali nang madadala sa kalapit na bayan at sa Metro Manila,” ani pa ni Cruz.
Sinabi pa ni Cruz na ang naturang tulay ay magiging malaking epekto sa pag-unlad ng ekonomiya sa naturang komunidad.