BAGONG VOTER REGISTRATION IDARAOS

Spokesperson James Jimenez

POSIBLENG  mas maagang magdaos ang Commission on Elections (Comelec) ng panibagong voter registration period, kasunod na rin ng pag-apruba ng Senado sa panukalang pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, pag-aaralan nilang agahan ang pagdaraos ng panibagong pagtatala ng mga botante dahil sa nakaambang pagpapaliban sa BSKE.

“Pag-aaralan na nga­yon ‘yung posibleng pagbubukas ng panibagong registration period nang mas maaga dahil mukhang wala tayong poproblemahing barangay elections next year,” ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, sa pana­yam sa radyo.

Matatandaang nitong Lunes, Setyembre 30, ay una na ring nagtapos ang dalawang buwang voter registration na sinimulan noong Agosto 1, kung kailan mahigit 2.5 milyong aplikante ang nagpatala.

Kaugnay naman ng pagpapaliban sa barangay polls, sinabi ni Jimenez na inantabayanan na nila ito, kaya’t hindi nag-full blast ng kanilang preparasyon.

“Ito na nga mayroon na tayong Senate version, hinihintay na lang natin ‘yung House. After that mapirmahan ng Pangulo ‘yung batas na magpapaliban sa barangay elections,” ani Jimenez.

Ang BSKE ay nakatakda sanang idaos sa Mayo 11, 2020 ngunit inaprubahan ng Senado ang Senate Bill No. 1043 na nagpapaliban nito sa Disyembre 5, 2022.

Kung tuluyan itong maisasabatas, dalawa ang halalang isasagawa sa naturang taon, kabilang pa ang presidential polls, kaya’t kailangan umanong magbukas ng panibagong voter registration.

“Kailangan talaga tayong magbukas ng registration para sa mga darating pang mga halalan partikular ‘yung ating local and national election sa 2022,” ani Jimenez. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.