KASUNOD ng bawas-singil noong nakaraang buwan, magpapatupad ang Manila Electric Company (Meralco) ng P0.2908 kada kWh na tapyas ngayong Agosto.
Dahil dito, bumaba sa P10.8991 kada kWh ang overall rate para sa isang tipikal na residential customer.
Katumbas ito ng P58 na bawas sa kabuuang bill ng pangkaraniwang pamilyang kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan.
Ang dalawang magkasunod na bawas-singil ng koryente mula noong Hulyo ay katumbas ng P1.0121 kada kWh na kabuuang kabawasan.
Mas mababang generation charge dahilan ng bawas-singil
Sa ikatlong sunod na buwan, muling nagrehistro ng pagbaba ang generation charge na bumaba ng P0.2137 kada kWh ngayong Agosto dahil sa mas mababang singil mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at mga Power Supply Agreement (PSAs) ng Meralco.
Nasa P1.2873 kada kWh ang ibinaba ng singil mula sa WESM dahil sa mas mababang demand sa Luzon grid bunsod ng tag-ulan.
Nagtala naman ng P0.1688 kada kWh na pagbaba ang singil ng mga PSA dahil sa mas mababang presyo ng fuel at paglakas ng piso kontra dolyar.
Pinunan ng WESM ang 17% ng kabuuang energy requirement ng Meralco sa period na ito, at nasa 47% naman ang nagmula sa mga PSA.
Natabunan ng mga ito ang bahagyang P0.0853 kada kWh na dagdag-singil mula sa mga Independent Power Producer (IPPs) na dahil naman sa mas mababang IPP dispatch bunsod ng scheduled outage ng ilang unit ng First Gas-Sta Rita at First Gas-San Lorenzo. Pinunan ng mga IPP ang natitirang 36% na supply ng Meralco sa period na ito.
Transmission at iba pang mga singil
Nagtala naman ng kabuuang P0.0771 kada kWh na pagbaba ang singil sa transmission at iba pang bill component kagaya ng buwis at subsidiya.
Nananatiling suspendido hanggang ngayong Agosto ang koleksyon ng Feed-In Tariff Allowance (FIT-All) sa bisa ng ERC resolution na nagpapaliban ng paniningil nito para sa karagdagang anim (6) na buwan simula noong Marso 2023.
Ang mga pass-through charge ng generation at transmission ay ibinabayad ng Meralco sa mga power supplier at grid operator habang ang buwis, mga universal charge, at FIT-All ay inire-remit naman sa gobyerno.
Wala pa ring pagbabago sa distribution charge ng Meralco simula noong bumaba ito ng P0.0360 kada kWh para sa tipikal na residential customer noong Agosto 2022.
Aplikasyon para sa lifeline rate program
Muling nagpaalala ang Meralco sa mga kwalipikadong customer nito na magpasa ng aplikasyon sa lifeline rate program para makakuha ng diskwento sa kanilang electric bill.
Simula Setyembre 2023, tanging mga customer na lamang na mayroong aprubadong aplikasyon ang makakakuha ng diskwento sa kanilang Meralco bill kaugnay ng bagong tuntunin ng Republic Act No. 11552 o ang batas na nagpapalawig sa implementasyon ng lifeline rate.
Kaugnay nito, pinaigting ng Meralco ang pagsasagawa ng mga barangay caravan sa iba’t ibang lungsod at probinsya upang mahikayat ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at iba pang kwalipikadong residente na mag-apply sa lifeline rate program.
Bukod sa pagsasagawa ng mga information campaign na sinimulan ng kompanya noong Abril, nagsasagawa na rin ang Meralco ng mga onsite application sa mismong mga barangay upang maging mabilis at madali ang proseso para sa mga kwalipikadong residente.
Maaari ring magsumite ang mga kwalipikadong customer ng kanilang aplikasyon kalakip ang kumpletong dokumento gaya ng mga 4Ps ID, pinaka-bagong Meralco bill, at application form sa pinakamalapit na Meralco Business Center. Para naman sa mga hindi miyembro ng programang 4Ps, kailangan lamang magsumite ng sertipikasyon mula sa lokal na social welfare and development office at ID na inisyu ng gobyerno. Mayroon ding hiwalay na linya sa mga tanggapan ng Meralco para sa mga aplikante.
Para sa karagdagang impormasyon ukol sa lifeline rate program, maaaring bisitahin ang Meralco website (www.meralco.com.ph) at ang mga opisyal na social media account nito sa Facebook (www.facebook.com/meralco) at Twitter (@meralco).
Para naman sa iba pang alalahanin, maaaring i-report din ito sa pamamagitan ng text sa 0920-9716211 o 0917-5516211 at pag-contact sa Meralco Hotline sa 16211 at 8631-1111.