UMAKYAT na sa 258 ang inulat na nasawi sa pananalasa ng bagyong Odette, ayon sa inilabas na situational report ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) kahapon.
Habang nasa 47 na naman ang bilang ng nawawala na pakay ng search,rescue and retrival operation ng Office of Civil Defense at nasa 568 katao ang reported injured dulot ng ilang araw na paghagupit ni Typhoon Odette sa Visayas at Mindanao regions.
Gayunpaman, ang nasabing bilang ay lubhang mababa sa tally ng Philippine National Police (PNP) na umaabot na sa 375 noong Disyembre 20 na sinasabing iba-validate pa.
Ayon sa NDRRMC,ang 258 reported death, 11 pa lamang ang kanilang kinukumpirma habang under validation pa ang sinasabing 247 death.
Unang nang ipinaliwanag ni PNP Spokesperson Col. Roderick Augustus Alba na ang mga inilabas na datos ng PNP tungkol sa mga nasawi, sugatan at nawawala ay base sa mga nakatala sa kanilang blotter mula sa iba’t ibang himpilan ng PNP sa mga apektadong lugar.
Nilinaw ni Alba na ang mga report na ito ay subject to documentation at investigation ng mga concerned units.
Subalit, nilinaw din ng PNP na kanilang rin isinusumite ang mga report sa Office of Civil Defense (OCD) para sumailalim sa validation ng OCD, DILG at DSWD.
Ayon kay Alba na maingat ang lahat ng PNP units sa pag-uulat ng mga datos para masiguro na walang nadodoble o hindi naisasama sa bilangan.
Samantala, nailikas na ang lahat ng locally stranded individuals (LSI) kabilang ang ilang dayuhan at lokal na residente sa Siargao kasunod ng isinagawang mercy mission ng Philippine Air Force.
Ito ang kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos ang “mercy flight” ng PAF mula Disyembre 21 hanggang 22.
Ayon kay Philippine Air Force spokesperson Lieutenant Colonel Maynard Mariano,kabuuang 231 LSI ang nailikas ng kanilang C-130 aircraft patungong Villamor Air Base sa Pasay City.
Ang Bagyong Odette, ang pinakamalakas na bagyong tumama sa Pilipinas ngayong taon na naging sanhi upang mawalang nang matitirhan ang may 600,000 katao, libo libong kabahayan at gusali ang winasak.
Tinatayang aabot sa P2.5 billion ang nasirang imprastraktura habang nasa kulang P2 billion na ang halaga ng pananim na nawasak.
Dahilan ito upang ideklara ng gobyerno sa state of calamity ang anim na rehiyon na lubhang naapektuhan ng bagyo kabilang ang Mimaropa, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao at Caraga.VERLIN RUIZ