HINILING ng vice-chairman ng makapangyarihang House Committee on Appropriations sa pamahalaan na maagang ibigay ang bahagi ng Internal Revenue Allotment (IRA) ng iba’t ibang local government units (LGUs) para magamit sa kampanya laban sa pagkalat ng kinatatakutang coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Partikular na tinukoy ni Quezon City 5th District Rep. Alfred Vargas na maipagkaloob na sa LGUs ang ‘calamity fund’ na nasa ilalim ng IRA shares ng mga huli na para sana sa taong 2021.
Ayon sa House panel vice-chairman, hindi na bago ang pag-advance sa pagpapalabas ng LGU IRA shares kung saan noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay dalawang beses na itong ginawa.
“Advancing the IRA for next year has precedent during the time of former President Gloria Macapagal Arroyo – when the national government under the leadership of then President Arroyo released the said allotment to LGUs for them to fund various priority projects. These acts by the Arroyo Administration were based on Executive Order No. 494 (series of 2006) and Executive Order No. 723 (series of 2008),” sabi pa ni Vargas.
Nilinaw naman ng Quezon City solon na ang nais lamang niyang maibigay na sa LGUs ay ang 5% porsiyento ng 2021 IRA, na siyang itinatakda ng batas bilang ‘calamity fund’ na magagamit ng mga lokal na pamahalaan.
Inihalimbawa ni Vargas na kung ang isang LGU ay may P50 milyon na IRA shares, ang 5 porsiyento nito ang gagamitin lamang bilang ‘calamity fund’, ang 30 porsiyento naman nito ay maaaring itakda bilang ‘quick response fund’ o kaya’y ‘stand-by fund’.
Giit ng kongresista, ang magiging karagdagang pondo na ito, kung kakatigan ng national government ang kanyang panawagan, ay malaking tulong para sa mga LGU na matustusan ang kanilang anti-COVID-19 campaign.
“The worsening spread of the novel coronavirus makes it difficult for LGUs not to consider anti-COVID measures as their top priority. The national government’s support through additional funding is necessary,” sabi pa ni Vargas. ROMER R. BUTUYAN