(Bahagi ng safety protocols ng PBA) COACHES ‘OUT’ SA TEAM PRACTICE

Willie Marcial

HINDI papayagan ang mga coach sa ensayo ng mga PBA team.

Dahil ang training at conditioning ay limitado lamang sa ilang tao sa ilallm ng safety protocols na isinumite ng liga sa Inter-Agency Task Force on Emer­ging Infectious Di­seases, sinabi ni Commissioner Willie Marcial na hindi na kailangan ang presensiya ng mga coach sa practice session.

“Baka itong practi­ces, wala pa ‘yung mga coaches. Conditioning lang naman ito,” wika ni Marcial.

Sa ilalim ng guidelines, apat na players lamang, kasama ang isang trainer at isang health officer, ang papayagan ‘by batches’ sa loob ng training facility.

Wala muna umanong mga laro at scrimmages na isasagawa kaya hindi na kaila­ngan ang presensiya ng mga coach.

“Walang scrimmages, walang games, conditioning lang talaga ang gagawin. Kaya si­guro wala pa talaga ‘yung mga coaches,” dagdag ng commissioner.

Subalit sa sandaling ibalik ang normal practices, maging ang mga coach at kanilang staff ay kailangang sumailalim sa COVID-19 testing tulad ng mga player.

“May understanding is that kapag untested, they (coaches) won’t be allowed to enter any practices,” sabi ni PBA Board chairman Ricky Vargas.

Comments are closed.