Mga laro ngayon:
Araneta Coliseum
3 p.m. – NLEX vs Meralco
6 p.m. – Magnolia vs TNT
MATAPOS ang mahigit isang buwang ‘uncertainties’ dulot ng COVID-19, magbabalik ang PBA Governors‘ Cup ngayong Biyernes sa Araneta Coliseum.
Wala nang mas nasasabik pa kaysa sa NLEX at Meralco, na magsasalpukan sa unang laro sa alas-3 ng hapon, ang unang game magmula nang mahinto ang season-ending tournament matapos ang huling playdate nito noong Dec. 26 dahil sa biglang pagtaas ng kaso ng COVID.
“It is like opening day all over again. The excitement and anticipation is fever-pitch,” sabi ni Road Warriors coach Yeng Guiao.
Sa pangunguna ni Tony Bishop, ang Meralco ay nagwagi sa kanilang unang dalawang laro, isang simula na tinampukan ng 83-80 thriller kontra TNT noong nakaraang Dec. 22.
Samantala, naputol ang franchise record-tying 4-0 start ng NLEX nang matalo sa Phoenix Super LPG noong Christmas Day.
Si Guiao ang nangunguna sa lahat ng mga nais malaman kung nakarekober na ang Road Warriors mula sa naturang kabiguan, lalo na’t inaasahan nila na magiging mabigat ang mga susunod nilang laban.
“We’re looking forward to tough battles, starting with Meralco,” ani Guiao. “Their import will be a tough match-up as well as their rotation of big guards.”
Inaasahan din ni Meralco coach Norman Black ang umaatikabong bakbakan.
“Playing against a Yeng Guiao-coached team is always tough because you know they will play hard,” wika ni Black.
“It’s important that we slow down their import… and we close out well versus their 3-point shooters,” dagdag ni Black. “Once again we will have to rely on our defense to get a win because NLEX is a high scoring team.”
Gayunman ay maaari itong magawa ng Meralco na wala si bagong acquisition Chris Banchero. Ibinunyag ni Black na ang dating Fuel Master na kinuha sa free agency ay nananatiling kuwestiyonable para sa laro dahil sa health protocols at hindi pa nakapag-eensayo sa koponan.
Sasandal ang Bolts kina Chris Newsome, Raymond Almazan, Allein Maliksi, Bong Quinto, Mac Belo, Cliff Hodge, Anjo Caram, Reynel Hugnatan at Alvin Pasaol.
Ipaparada rin ng NLEX ang bagong player nito sa katauhan ni Matt Nieto, na in-activate kapalit ni injured Mike Miranda, subalit inaasahang sasandig pa rin si Guiao kina KJ McDaniels, Kevin Alas, JR Quinahan, Raoul Soyud, Jericho Cruz, Don Trollano, Anthony Semerad at rookie revelation Calvin Oftana.
“The break gave us time to rest and heal. Except for Mike Miranda everyone is ready to go,” ani Guiao.
Sa ikalawang laro sa alas-6 ng gabi ay maghaharap ang Magnolia Hotshots at TNT Tropang Giga sa isang ‘grudge match’.
Target ng Hotshots ang ika-4 sunod na panalo kung saan muli nilang makakasama si veteran center Rafi Reavis at ipaparada si bagong recruit Adrian Wong.
Muli namang kinuha ng Tropang Giga, may 2-2 kartada, si Matt Ganuelas-Rosser. CLYDE MARIANO