ASAHAN ang umaatikabong bakbakan sa paghaharap ng San Miguel Beer at Barangay Ginebra sa PBA Commissioner’s Cup best-of-seven finals na magsisimula sa Biyernes sa Smart Araneta Coliseum.
Ang Beermen at Kings ang dalawang pinakamahusay na koponan sa liga sa nakalipas na apat na taon.
“It’s San Miguel versus Ginebra. As usual, matinding laban ‘yan. I won’t be surprised if it goes down to a Game 7. It’s a great finals for sure,” wika ni San Miguel Beer governor Robert Non sa pre-finals press conference sa Sambokijin Restaurant sa Eastwood City, Libis, Quezon City kahapon.
“Dalawang SMC teams ‘yan pero parehong palaban ‘yan. Ang hinihingi namin sa kanila, ibigay ang lahat for the fans,” sambit ni Alfrancis Chua, sports director ng San Miguel Corp. at governor ng Ginebra ball club.
Sa isang panig ay ang SMB team na six-of-six sa finals sa huling 10 conferences at nagbabadya ang grand slam, at sa isa pa ay ang Ginebra team na reigning back-to-back Governors’ Cup champ.
Kapuwa nalusutan ng dalawang koponan ang matamlay na simula sa midseason tourney upang maisaayos ang rematch ng kanilang 2016-17 PBA Philippine Cup title duel.
Tinalo ng Beermen ang Kings sa limang laro sa best-of-seven series, subalit wala noon sa Ginebra si 7-foot-1 giant Greg Slaughter.
Buo ngayon ang puwersa ng Kings at pinalakas pa ni two-time champion Justin Brownlee sa paghamon sa paghahari ng Beermen.
Magsasagupa sina Slaughter at June Mar Fajardo sa unang pagkakataon sa pros, kung saan bubuhayin nila ang kanilang rivalry sa kanilang college days sa Cebu.
Mapapalaban naman si Brownlee kay Renaldo Balkman sa duelo ng dalawang players na naging magkakampi sa Alab Pilipinas sa ABL.
“Two great teams. Great matchup. Two best imports. Greg and June Mar finally meeting in PBA finals. This is really a very exciting series,” wika ni SMB team manager Gie Abanilla.
Aminado si Ginebra coach Tim Cone na ang San Miguel ang mas malakas na koponan subalit umaasa siyang mabibigyan nila ito ng magandang laban.
“It’s a real honor to be playing San Miguel Beer in the finals. It’s such a great challenge. You can’t pick a bigger challenge. I hope our guys embrace it and go for it,” ani Cone.
Comments are closed.