BAKBAKANG UMAATIKABO SA COMMISSIONERS’ CUP NGAYON SA SAN LAZARO

horse racing

ASAHAN ang mataas na antas ng labanan sa local horseracing sa paghaharap ng magkakaribal sa P2.5- million 2022 Philracom Commissioners’ Cup ngayong Linggo sa San Lazaro Business and Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Magbabakbakan ang mga pambato nina Edward Vincent Diokno at dating Commissioner Felizardo ‘Jun’ Sevilla Jr. na Sky Shot, ang Boss Emong ni Laiza D. Eje at Super Swerte ni Leonardo ‘Sandy’ Javier sa 1,600-meter race na may nakalaang P1.5 milyon sa kampeon, P500,000 sa sesegunda at P250,000 sa tersera. Ang pang-apat at panlima ay may maiuuwing P125,000 at P75,000, ayon sa pagkakasunod.

Impresibong labanan ang ipinamalas ng tatlo sa kanilang naging hidwaan sa 2021 Presidential Gold Cup nitong Disyembre kung saan binawi ang panalo ng Sky Shot matapos na katigan ang reklamo ng kampo ng Super Swerte hingil sa teknikalidad.

Hindi naman magpapahuli ang nalalabing apat na kalahok na Best Regards, Pangalusian Island, Son Also Rises at War Cannon.

Sa P750,000 Commissioners’ Cup Division II, siyam ang magtatangka para sa P450,000 champion prize. Ang mga ito ay ang Victorious Colt, Arrabiata, Magtotobetski, Weather Lang, Flattering You, Batang Cabrera, Greatwall, Shining Vic at Isla Puting Bato.

Nakataya naman ang P300,000 para sa kampeon sa Commisioners’ Cup Division III na tatampukan ng mga panganrerang The Accountant, Refuse To Lose, Hook On D Run, La Liga Filipina, Full Control, Cam From Behind, Tiger Boy, Kid Baloloy, Gintong Tubig, Fortissimo, Bomod-Ok Falls at Spandau Ballet.

Nakatakdang makatanggap ng cash incentives ang mga breeder ng mangungunang tatlong kalahok sa Commissioners’ Cup batay sa inilatag na porsiyento ng winning prize na 5% sa panalo at 3%  at 2% sa 3rd at second placer, ayon sa pagkakasunod.

Makakakuha naman ang jockeys sa Division I ng P2,500, P750 sa Division II at P500 sa Division III.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng horseracing sa bansa na nagbigay ng breeders’ incentive at nagtaas ng jockey riding fees.

“Good luck to all the entries of the Commissioners’ Cup! Whoever wins here will be one step closer in getting the P1.5-million cash bonus awaiting the ‘sweeper’ of the Triple Cup with the 1800-meter Philracom Classic next month at the Philippine Racing Club in Naic, Cavite and the lung-busting 2000-meter Chairman’s Cup in May at the Metro Manila Turf Club in Malvar, Batangas,” pahayag ni Philracom Chairman Aurelio ‘Reli’ P. de Leon.

“Furthermore, purses for all legs of the Triple Cup have been increased from P1-million last year to P2.5-million this year thus making for very interesting races for the bayang karerista,” aniya. EDWIN ROLLON