BAKBAKANG UMAATIKABO (San Beda-Letran titular showdown simula na)

San Beda and Letran

Laro ngayon:

(Mall of Asia Arena)

4 p.m. – San Beda vs Letran (Men Finals)

UMAASA ang Letran na maulit ang kanilang tagumpay noong 2015 sa pagharap sa San Beda sa Game 1 ng NCAA men’s basketball championship ngayon sa Mall of Asia Arena.

Papasok ang Knights sa 4 p.m. series opener bilang heavy underdogs laban sa four-peat seeking Red Lions, na galing sa mahabang pahinga makaraang makumpleto ang 18-game sweep  sa eliminations.

Sa kabila na dehado, hindi nawawalan ng loob si first-year Letran coach Bonnie Tan para maitaas ang championship banner No. 18.

Ang Knights ay nasa kanilang unang Finals appearance magmula nang igiya ni Aldin Ayo ang kanyang alma mater sa korona laban sa kanilang bitter rivals, apat na taon na ang nakalilipas.

“I honestly, before taking the job, know that this team left by coach Jeff Napa is a very talented team. From the first day na nag-practice ako sa Letran, I keep on mentioning them na this is the best team na hinawakan ko, talent-wise,” wika ni Tan.

“Surprised in a way, we were ranked third in the eliminations but we still went all the way to play for the championship,” dagdag pa niya.

Hindi nakapagtataka at lubhang nababahala si San Beda coach Boyet Fernandez bagama’t liyamado ang kanyang tropa.

Binigyang-diin ni Tan na kailangang magkaroon ng balanced scoring ang kanyang Knights kung nais nitong magapi ang Lions.

Sina graduating standouts Jerrick Balanza at Bonbon Batiller, gayundin sina  vastly-improved Fran Yu at big man Larry Muyang ay solido para sa Letran, lalo na sa step-ladder wins kontra San Sebastian at Lyceum of the Philippines University kung saan nagpamalas sila ng matinding katatagan.

“I’m happy na nagtiwala sila sa system,” ani Tan.

Target ang league-best 23rd title, hindi maaaring mag­kumpiyansa ang Lions laban sa gutom na Knights na determinadong mabawi ang korona.

Ang pagkatalo sa Letran ay tiyak na isang malaking kabiguan para sa San Beda.

Ang Lions ay nanalo sa kanilang huling walong paghaharap ng Knights magmula noong 2016.

“Pahihirapan namin silang makuha ang panalo. I expect na maganda ang ilalaro namin,” wika ni Balanza, isa sa mga nalabi sa 2015 champion team sa ilalim ni Ayo.

Comments are closed.