Sa dinami-rami ng mga bansang dating nasasakupan ng Russia, bakit ang Ukraine ang binubuliglig nila? Masyadong offensive ang mga sundalo nila sa Kiev na capitolio ng Ukraine, sanhi upang masalanta ang lugar at masira ang ekonomiya sa dakong kanluran.
Kinondena ng United Nations Security Council ang aksyon ng Russia, ngunit sadyang pasaway sila. Kahit ang United States at ang mga supporters nito ay nag-aargumento kung ano ba ang dapat gawin. Dapat na bang makialam?
Tutol ang isa ngunit ang 11 bansa ay nagnanais na makialam na, pero ang China, India at United Arab Emirates ay nag-abstain, lalo pa at nagpapakita ng kayabangan ang Russia sa pag-atake sa mas maliit at mahinang Ukraine.
Ukraine ang may pinakamalaking populasyon at pinakaindustriyalisadong republika noong panahong ang Russia ay Union of Soviet Socialist Republics (USSR) pa, hanggang maging Malaya ito noong 1991.
Nakaranas sila ng panandaliang Kalayaan noong 1918–20, ngunit ang bahaging kanluran ng Ukraine ay sinakop ng Poland, Romania, at Czechoslovakia sa panahong ng dalawang giyera, at pagkatapos nito ay sumailalim na sila sa Soviet Union bilang Ukrainian Soviet Socialist Republic (S.S.R.).
Sa unang walong taon ng conflict ay kasama ang Russian annexation ng Crimea (2014) at ang giyera sa Donbas (2014 hanggang sakasalukuyan) sa pagitan ng Ukraine at mga Russian-backed separatists, gayundin ang mga naval incidents, cyberwarfare, at political tensions.
Kung tutuusin, kahit noong panahong nasa ilalim pa ng Russia ang Ukraine, ang mga tao dito ay Ukrainians (Ukraintsi) at hindi Russian. Sila ang East Slavic ethnic group ng Ukraine. Ang Ukraine ay ika-7 pinakamalaking bansa sa Europe at ikalawang pinakamalaki sa mga East Slavs. Russians ang maituturing na pinakamalaki.
Noong isang linggo, sinabi ni Ukraine president Volodymyr Zelenskyy na pipilitin ng Russia na wasakin ang kapitolyo at sumumpa siyang lalaban. Gagamitin ng Russia ang lahat ng available forces upang matalo ang Ukraine sa ano mang paraan – karumal-dumal, malupit at hindi makatao.
Nagbigay ng sanction ang US at Canada kina Russian President Vladimir Putin, Foreign Minister Sergey Lavrov, Defence Minister Sergey Shoigu for Moscow’s military operation in Ukraine. Mismong si President (Joe) Biden ang nag-utos nito kasama si European Commission President Ursula von der Leyen pati na ang mga European allies.
Hiwalay na inanunsyo ng Canada ang kanilang sanction kay Putin, Lavrov dahil sa pagsalakay sa Ukraine, at mag-aanunsyo pa umano sila ng karagdagang sanctions sa Belarus at lider nito, ayon kay Prime Minister Justin Trudeau.
Bawal na rin ang Russia sa SWIFT banking system. Una nang nagbigay ng sanction ang EU kina Putin at Lavrov, na inanunsyo naman ni foreign policy chief Josep Borrell. Kahit si British transport minister Grant Shapps ay ipinagbawal ang pagdaan ng Russian private jet sa UK airspace at lalo naman ang lumapag sa kanilang lugar.
Sa Bulgaria, Poland at Czech Republic, bawal ang flights na operated ng Russian airlines at sarado rin ang kanilang airspace sa lahat ng Russian aircraft. Bukod diyan, umiikot na sa airspace, ang IAG na pag-aari ng British Airways at Virgin Atlantic sa Russian airspace tanda ng pagbabanta.
Sa loob lamang ng dalawang araw, libo-libo katao na ang tumakas mula sa Ukraine. May 100,000 katao na rin ang nawalan ng tahanan sa bansa at lumikas sa mga kalapit na bansa.
Mahigit 1000 sundalong Ruso lamang ang namatay ayon sa Ukraine Defence Ministry. Mas malakas sila ngunit hindi basta-basta susuko si Zelenskyy at ang mga Ukrainians. Lalaban sila hanggang kaya nila. Ayon pa kay Zelenskyy, hindi lamang mga sundalo ang nagtatanggol sa bayan kundi maging ang mga sibilyang dati-rati ay ayaw humawak ng sandata.
Nangako si Kerem Kinik, head ng Turkish Red Crescent, na magpapadala ang Turkish Red Crescent and state-run Disaster and Emergency Management Presidency (AFAD) ng humanitarian aid convoy sa Ukraine upang tugunan ang “urgent basic needs.” Makikipag-ugnayan sila sa Red Cross Ukraine. Limang trucks ng humanitarian aid, kasama na ang pagkain, blankets, bedding, hygiene materials at tents ang ipadadala nila kasama na ang humanitarian team.
Maging si NATO chief Jens Stoltenberg ay nagsabing suportado nila ang depensa ng Ukraine ng mga troops at air power sa silangang bahagi upang hindi makapasok ang Russian sa bahaging ito. Nakatalaga umano ang NATO Response Force sa lupa, dagat at himpapawid, kasama ang libo-libong tropa at mahigit 100 jets na naka-high alert sa 30 locations. Magpapadala pa umano sila ng karagdagang troops kung kinakailangan. (To be continued) JAYZL VILLAFANIA NEBRE