BAKIT NANATILING MAHIRAP ANG ISANG YAYAMAN NA SANA

Heto Yumayaman

“ANG masama ay humihiram, at hindi nagsasauli: ngunit ang matuwid ay nahahabag, at nagbibigay.” (Awit 37:21)

Marami akong tinuruan ng Bibliya at marami ang nakaalpas sa kahirapan dahil sa pagsunod sa mga magagandang katuruan. Subalit malungkot aminin na hindi lahat ng naturuan ko ay umunlad at umasenso.  Bakit?  Dahil mayroong mga masunurin at mayroon ding matitigas ang ulo.

Ang sabi ng Panginoong Jesus, “Ang mga nakikinig at sumusunod sa aking aral ay kagaya ng matalinong taong nagtatayo ng bahay sa bato; anumang pagsubok ang dumating ay hindi natitinag ang bahay na iyon.  Subalit ang mga nakikinig sa aking aral at hindi naman sumusunod ay kagaya ng isang taong hangal na nagtatayo ng bahay sa buhanginan; pagdating ng pagsubok, nawawasak ang bahay na iyon.” (Tingnan sa Mateo 7:24-27).

Isa sa mga tinuruan at tinulungan ko ay si Kiko, isang dating out-of-school youth na taga-Old Balara, Quezon City.

Nakapanghihinayang dahil nagsimula siya sa mabuti at malaki na sana ang pagbabago sa kanyang buhay.  Tulad ng marami, dating hindi niya kilala ang Diyos at ang Panginoong Jesus sa personal na paraan.  Dating marami siyang mga pamahiin at maling paniniwala.  Magulo ang buhay ng kanyang pamilya, maraming bisyo at walang trabaho.  Nang ako ay magsimulang magturo ng Bibliya sa lugar ng Old Balara at nagtayo kami ng “Fellowship” o samahang Kristiyanosa loob ng Balara Academy, sumama si Kiko.  Ipinangaral ko ang ebanghelyo ni Cristo.  Itinuro ko, mahal tayo ng Diyos at may magandang plano siya para sa atin: ang  buhay na walang hanggan at masaganang buhay.  Ang problema ng sangkatauhan kaya hindi nila maranasan ang magandang plano ng Diyos ay dahil nagkasala ang tao at nahiwalay sa kaluwalhatian ng Diyos.  Ang mabuting balita ay si Jesus ang namatay sa krus para bayaran ang mga kasalanan natin.  Ang kailangan nating gawin ay makipag-isa kay Jesus; tanggapin siya bilang sariling Panginoon at Tagapagligtas.  Nang marinig ito ni Kiko, tinanggap niya si Jesus sa buhay niya.  Mula noon ay lagi na siyang sumasama para makinig  sa mga katuruan ng Bibliya.  Lumago siya sa kanyang pananampalataya.  Naengganyo siyang magbasa ng Bibliya at dumami ang kaalaman niya.  Lumakas ang loob niya at bumalik siya sa pag-aaral hanggang makapagtapos ng High School.  Napansin kong masipag siyang magturo ng Bibliya sa kanyang mga kapitbahay.  Inimbitahan niya ako na ipangaral ang ebanghelyo sa kanyang pamilya at marami ang tumaggap sa Panginoon, kasama na ang kanyang ama.

Dahil sa sipag niyang magturo ng Bibliya, inimbitahan ko siyang maging isa sa “mga matatanda” ng aming samahang Kristiyano.  Naging mabuting halimbawa siya ng pagpupursigi sa pagtuturo ng Bibliya.  Nagtayo siya ng Bible Study group sa purok Calderon at sa Capitol Hills.

Nang ako ay magbigay ng libreng seminar tungkol sa pagnenegosyo, sumama si Kiko.  Nagpasimula siya ng negosyong pagbebenta ng bigas.  Ang mga mamimili niya ay ang mga kapitbahay niya.  Sa kasawiang-palad, hindi nagbayad ang marami sa kanyang mga mamimili.  Hindi makapaningil si Kiko sa mga utang ng mga mamimili.  Nahinto ang kanyang pagnenegosyo ng bigas.

Nagtrabaho naman siya bilang metro aide na nagwawalis ng kalsada ng Quezon City. ‘Di nagtagal, naging permanente siya roon. Nag-asawa siya ng isang mabuting babaeng nagtapos sa Bible School sa Mindoro.  Ang problema nga lang ay sunod-sunod ang pag-aanak nila.  Pinayuhan namin si Kiko na magkontrol at huwag mag-aanak ng marami kung hindi kaya ng kanyang kinikita.

Walang tigil sa pagpapayo ang mga kapwa niya “matatanda ng iglesya” na huwag masyadong magparami ng anak dahil wala pa silang bahay at ang suweldo niya ay kulang na kulang.  Subalit hindi nakinig si Kiko.  Nang magpahiwatig ang gobyerno na gigibain na ang mga bahay sa Barangay Old Balara at nag-alok ng pabahay sa Erap City, Montalban, pinayuhan ko silang kumuha ng inaalok na pabahay para mawala na sila sa pagiging iskwater.  Mabuti naman at kumuha ng bahay si Kiko.  Nagtayo siya ng tindahang nagbebenta ng mga gamot ng Carica.  Subalit isinara rin niya dahil nawala na ang mga bumibili.  Nagkaroon siya ng sampung anak.  Nang magkulang na ang kita ni Kiko dahil sa dami ng mga anak at taas ng bilihin sa Metro Manila, umutang siya sa maraming tao; kasama na ako.  Pinahiram ko siya, subalit hindi siya nagbayad kahit na wala naman akong interes na sinisingil.  Umutang siya nang pangalawa sa akin; gumawa kami ng kasunduan at kasulatan na walang interes ang pautang ko subalit dapat ay bayaran niya sa taning na petsa, na siya ang pumili ng petsang iyon.  Hindi na naman siya nagbayad; balewala sa kanya ang kasulatan namin.  Naisipan niyang magtayo ng negosyong patahian.  Dahil kailangan niya ng kapital,  umutang  na naman sa akin.

Nagkaroon kami uli ng kasulatang walang interes ang utang subalit dapat bayaran niya.  Kung hindi niya mababayaran sa taning na petsa, ipinangako niyang ang ibabayad sa akin ay ang isa niyang sewing machine.  Hindi na naman siya tumupad.  Pinahiram ko siya ng aking pick-up truck para magamit niya sa negosyo at sa pamilya, subalit ibinenta niya ang kotse ko nang walang paalam sa akin.  Ibinenta rin niya ang bahay niya sa Erap City, at bumalik na naman sa pagiging iskwater sa Old Balara.  Noong panahon ni Presidente Gloria Arroyo, natanggal siya sa pagiging metro aide dahil ibinigay ang puwesto niya sa isang mas batang manggagawa.

vvv

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe.  Salamat.)

Comments are closed.