NAGSAGAWA ng sabay-sabay na baksinasyon laban sa COVID-19 sa pampublikong palengke sa lungsod ng Pasay kahapon.
Ang nasabing baksinasyon laban sa COVID-19 ng lokal na pamahalaan ay bilang suporta sa “PinasLakas” vaccination program ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Isinagawa ang COVID-19 vaccination sa entrance at exit ng Pasay Public Market sa Libertad Street, sa Vito Cruz Street at sa Barangay Hall ng Barangay 170 na nagsimula ng alas-8 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon.
Nabatid na ang una at ikalawang dose pati na rin ang unang booster shot ang inialok sa lahat ng market vendors, general adult population ng A1 (health care workers), A2 (senior citizen), A3 (adult with comorbidities), A4 (workers) at A5 (indigent population), sa iba pang natitirang adult population, pediatric population na nasa edad 12 hanggang 17 gayundin ang mga nasa pediatric population na para sa una at ikalawang dose lamang.
Idinagdag pa, ang mga nasa kategoryang 50-anyos pataas kabilang ang mga nasa ilalim ng kategorya ng A1 hanggang A3 na nasa 18 hanggang 49 taong gulang ay maaari na rin na magpaturok ng kanilang ikalawang booster shot.
Hinikayat din ng pamahalaang lungsod ang mga residente na lumahok sa gagawing sabay-sabay na baksinasyon para na rin sa kanilang proteksyon laban sa nakamamatay na virus.
MARIVIC FERNANDEZ