LAGUNA -NASA kritikal na kondisyon sa ospital ang 11-anyos na grade school student matapos itong tamaan ng ligaw na bala na para sa tiyuhin nito na binaril ng nakaalitang suspek sa Barangay Masapang, Victoria.
Kinilala ni Police Captain Myra Pasta, Victoria Police chief, ang biktima na si alyas Ryan, residente ng nabanggit na barangay.
Ayon kay Pasta, agad na isinugod sa Philippine General Hospital ang bata dahil sa tindi ng tama ng bala sa ulo nito at kinakailangan ang agarang operasyon.
Base sa isinagawang imbestigasyon ng Victoria Police, magkasama ang bata at ang tiyuhin nito na si Jhun Mark Calapatia, 32-anyos para mangisda sa sapa malapit sa taniman ng pakwan.
Habang naglalakad ang magtiyuhin, nakasalubong umano ng dalawa ang suspek na si Henry Carlo na matagal na umanong kaalitan ni Jhun Mark kung saan muling nagkainitan ang mga ito.
Naawat lang umano ang pagtatalo ng dalawa nang mamagitan ang ilang ka-barangay na nakakita sa pangyayari.
Makaraan ang may kalahating oras, muli umanong nagbalik ang suspek sa lugar kung saan nangingisda ang magtiyuhin at saka bumunot ng baril at pinaputukan si Jhun Mark.
Sa kasamaang palad ang bala na dapat sana ay para kay Jhun Mark ay tumama sa ulo ni Ryan .
Nadakip si Carlo na nahaharap sa kasong frustrated murder at violence against women and children.ARMAN CAMBE