BALDWIN NAGPALIWANAG SA PBA

Tab Baldwin

NAGKAROON ng pagkakataon si Ateneo de Manila University coach Tab Baldwin na magpaliwanag kay Philippine Basketball Association (PBA) commissioner Willie Marcial kaugnay sa kanyang naging mga komento na ikina­galit ng local basketball community.

Sa “Coaches Unfiltered” podcast,  sinabi ni Baldwin na nagtataka at naiinis siya sa “tactical immaturity” ng Philippine coaches nang una siyang dumating sa bansa, subalit nilinaw na hindi ito kasalanan ng mga mismong coach.

Nagpahayag din siya ng paniniwala na ang one-import conferences sa PBA ay hindi nakabubuti sa local coaches at players na hindi nabibigyan ng pagkakataon na ipakita ang lahat ng kanilang talento.

Ang pahayag ng New Zealander-American coach ay ikinagalit ng ilang local coaches, kabilang sina San Miguel Corp. sports director Alfrancis Chua, NLEX coach Yeng Guiao, NorthPort coach Pido Jarencio, at NorthPort team manager Bonnie Tan.

Kahapon ay kinausap ni Baldwin si Marcial via video conference, kasama rin sina deputy commissioner Eric Castro at PBA legal counsel Atty. Melvin Mendoza.

Sa report sa PBA website, sinabi ni Baldwin kay Marcial na ang kanyang mga komento ay binigyan ng ibang kahulugan.

“I feel bad that has happened, and that is not my intention,” sabi umano ni Baldwin.

Ayon pa sa report, si Baldwin ay humingi ng tawad kay Marcial, na nauna nang nagbabala na ang TNT assistant coach ay maaaring pag-multahin at suspendihin dahil sa kanyang mga pahayag na nakapipinsala sa liga.

Comments are closed.