BALIK-GCQ SA AGOSTO 18, HANDA BA TAYO?

Magkape Muna Tayo Ulit

KUNG  ating titingnan ay may bahagyang pagbabago sa istriktong implementasyon ng modified enhanced community quarantine o MECQ. Pinagsasabihan tayo na mas mabuting manatili sa ating mga tahanan upang makaiwas sa nakamamatay na COVID-19.

Ang ating kapulisan ay mahigpit na naninita sa mga lumalabag sa mga polisiya sa ilalim ng MECQ mula sa IATF. Kasama na rito  ang pagbawal muli ng dine-in sa mga kainan.

Pagsita ng mga hindi nagsusuot ng face mask. Pagbawal sa pagbenta ng alak, pagbiyahe ng mga pampublikong transportasyon at iba pa.

Hindi naman kaila sa ating lahat na patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 simula nang inilagay tayo sa GCQ. Naglipana ang mga tao sa mga pampublikong lugar. Walang obserbasyon ng social distancing at wastong pagsuot ng face mask.

Tila ang akala ng  iba ay nawala na ang COVID-19 at ‘back to normal’ na tayo. Kaya naman hindi kataka-taka na sumipa sa mahigit na isang daang libo ang bilang ng kaso ng nasabing sakit sa loob ng ilang linggo.

Humiling ang ating mga frontliner at health worker sa ating pamahalaan na kung maaari ay ibalik muli tayo sa estadong ECQ.  Hindi na nila kayang tumanggap pa ng kargagdagang mga pasyente na may COVID-19. Ang masakit pa rito ay marami na rin sa kanila ang nahawaan ng nasabing sakit.

Kaya naman pinakinggan sila ng ating pamahalaan sa kanilang hinaing kung kaya tayo ngayon ay nasa estado ng MECQ sa loob ng dalawang linggo. Isang linggo na lang at matatapos na ang palugit na ibinigay ng ating pamahalaan sa paglagay sa ilalim ng MECQ sa mga lalawagin ng Bulacan, Rizal, Laguna at Nationa Capital Region (NCR).

Ang tanong, handa na ba tayo at ang pamahalaan sa pagbabalik sa GCQ? Makasisiguro ba tayo na kaya na nating makontrol ang dami ng bilang ng COVID-19 kapag ibinalik tayo muli sa GCQ?

Mahirap talaga ang sitwasyon ng ating pamahalaan. Hindi biro ang nawawala sa ating ekonomiya kapag pilit nating pinanatili ang ECQ. Sa ngayon palang, marami na ang mga nagsara ng kanilang negosyo. Marami na rin ang nawalan ng trabaho. Malaki rin ang nakakain sa pondo ng gobyerno sa kanilang kampanya laban sa COVID-19. Kaya naman kailangan natin talagang ibalik at palakasin muli ang ating ekonomiya sa pamamagitan ng pagbabalik natin sa GCQ. Hindi natin talaga kayang bumalik muli sa ECQ. Babagsak ang ating ekonomiya. Tayong lahat ang maaapektuhan nito.

Hindi  natin dapat iniaasa  lahat sa ating gobyerno. Hindi tayo tulad ng bansang Singapore o Brunei na napakaganda ng kanilang health care program.

Panawagan ko na lang sa ating mga mamamayan na sumunod sa mga payo ng ating pamahalaan kung papaano makaiwas sa sakit na COVID-19. Bukod dito ay panatilihin natin ang magandang kalusugan. Marahil ay matindi na ang mga impormasyon na ipinalabas ng ating pamahalaan tungkol sa COVID-19 at kung papaano makaiwas dito. Pati sa social media, YouTube at mga pribadong sektor ay may sarili ring ginagawang impormasyon para rito. Ang kailangan na lang natin ay sundin ang mga ito. Mahirap bang gawin iyon?

Comments are closed.