IBANG-IBA na kung maglaro itong si Kenneth Ighalo ng NLEX Road Warriors. May kumpiyansa na sa paglalaro, hindi tulad noong wala pa siya sa kampo ng NLEX na malamya kung maglaro. Iba kapag kay coach Yeng Guiao napupunta ang player dahil natututong maglaro nang tama at nagiging matapang.
Nakita namin ito kay Ighalo, unlike noong nagsisimula pa lamang siya sa tropa ng Kia team kung saan siya na-draft, apat na taon na ang nakararaan. Bago matapos ang kontrata ng player ay kasama siya sa nai-trade sa Road Warriors. Buong akala ni Ighalo ay matatapos na ang kanyang basketball ca-reer na walang mangyayari. Isa kami sa natutuwa dahil maganda ang itinatakbo ng career niya sa NLEX. Salamat kay coach Yeng Guiao sa tiwala na ipinagkaloob niya sa dating Mapua player at tubong- Baguio.
oOo
Balik-PBA na ang import na si Renaldo Balkman sa dati nitong koponan na San Miguel Beer. Matatandaan na si Balkman ang nanakal noon kay Arwind Santos, taong 2013. Na-lift ang lifetime ban kay Balkman dahil humingi ito ng tawad sa dating commissioner ng PBA na si Mr. Chito Salud, nangakong hindi na muling gagawin ang naganap noon sa kanila ni Santos. Magiging behave na umano ito sa paglalaro.
Ngayon, si Balkman ay nasa kampo na ng Beermen, pinalitan na ang kanilang import na si Troy Gillenwater. Sana ay makatulong na si Balkman para makabangon ang SMB mula sa 0-2 rekord. Tsika pa namin, sakaling hindi pumayag si Santos sa dati nitong teammate na si Balkman, ‘di rin ito makababalik sa hardcourt sa PBA kahit pa tumulong si PBA Commissioner Willie Marcial. Natuto na raw ang import na si Balkman. Siya na nga na ba ang sagot sa kakulangan ng team ni coach Leo Austria?
oOo
Nagdurugo naman ang puso ni Ray Parks sa rules na ipinalabas ng MPBL sa pangunguna ni Commissioner Kenneth Duremdes, na isa lang ang puwedeng maglarong Fil-Am player sa team at mayroon lamang height limit na 6’4. Sinabi ni Parks sa kanyang Twitter account, “Dito ako ipinanganak. May Filipino passport ako. So dahil sa kulay ng balat ko at dahil tatay ko ay Amerikano, dapat ako ang i-consider na foreigner sa sarili kong bayan.”
Sakaling hindi ang rules na ipinalabas ng MPBL ang gamitin, mamimili ang Mandaluyong El Tigre kung sino kina Parks at Lawrence Domingo ang maglalaro sa kampo ni coach Mac Cuan. May dahilan si Parks kung bakit siya nagtatampo. Tama naman siya, dito siya ipinanganak sa Pinas, dapat Filipino citizen siya. Ang ama niya ay si 7-time MVP import Bobby Parks at ang ina nito ay isang Pinay. Sana naman ay i-consider nila na tunay na Pinoy si Ray, saka dito siya nag-aral sa National University at naglaro pa para sa Pilipinas. Ano ba ‘yan?
Comments are closed.