BALLESTER, GAVALES NAGPASIKLAB SA HULING ARAW NG ARNIS, WRESTLING SA PSC-WMAF

PH Judoka

SUMUNGKIT si Maria Mae Ballester ng dalawang gold medals sa arnis habang umakyat si wrestler Alliah Rose Gavales sa podium sa dalawang junior cadet weight categories sa 8th Philippine Sports Commission Women’s Martial Arts Festival sa Rizal Memorial Sports Complex.

Dinomina ni Ballester ang senior’s traditional single weapon at double weapon sa forms competition, ang kaparehong output nina Melody Legaspi at Cloie Tutor sa junior division.

Nakumbinse ni Tutor ang mga judge sa kanyang performance sa traditional single at double weapon events habang pinabilib ni Legaspi ang mga manonood sa Ninoy Aquino Stadium sa kanyang near-flawless routine sa non-traditional single at double weapon.

Sa Rizal Memorial Coliseum, pinataob ni Gavales si Cathlyn Vergara, 4-1, sa gold-medal match ng 63kg freestyle event at nakopo ang silver medal sa 57kg traditional category makaraang yumuko sa mas eksperyenssdong si Amber Arcilla, 10-9.

Bukod kay 19-year-old Gavales, naghari rin sa kani-kanilang division sina cadet wrestlers Charmel Gem Angana (53kg freestyle), Hannah Khariz Alipala (57kg traditional), Xylem Villanueva (68kg), Kristine Joy Oberez (52kg classic) at M-Jhay Cater (58kg).

Nagwagi rin sina junior freestyle grappler Nashica Tumasis (53kg) at classic junior wrestlers Melissa Tumasis (52kg), Nicole Pinlac (58kg) at Rhea Cervantes (63kg) sa festival na inorganisa ng PSC at suportado ng Pocari Sweat at Go21.

Nagpasiklab din ang mga veteran grappler mula sa national team kung saan ginapi ni Jiah Pingot si Lady May Carabuena sa freestyle senior 53kg at pinataob ni Grace Loberanes si Kimberly Jhoy Bondad sa 57kg traditional event.

Ang Festival ay bahagi ng paghahanda ng bansa sa 6th Asian Indoor Martial Arts Games sa Bangkok, Thailand sa susunod na taon.

Ang iba pang mga nagwagi sa arnis ay sina Angelyn Datuin sa senior non-traditional single weapon, Cristine Mae Nacua sa senior non-traditional double weapon at ang trio nina Angela Callanta, Eliyah Cervantes at Liendhzay Gigante sa synchronized mixed traditional-espada y daga event.

CLYDE MARIANO