INANGKIN ni Maria Mae Ballester ng Rizal Technological University (RTU) ang dalawang gintong medalya para tanghaling may pinakamaraming ginto sa arnis competition ng Philippine Army sa Philippine ROTC Games National Capital Region (NCR) Leg sa Badminton Hall ng Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Manila.
Ipinamalas ng 21-anyos mula Cabuyao, Laguna at BS Accountancy student na si Ballester ang mahirap na porma tungo sa pagkumbinsi sa mga judge sa non-traditional competition sa Women’s Form sa Army single weapon para sa kanyang unang ginto.
Agad na nagbalik pagkalipas ng ilang minuto sa aksiyon si Ballester sa pagsabak sa combat event para kunin ang ginto sa Army Full Contact Padded Stick women’s contest matapos talunin si Miragos Cariso ng City of Malabon University sa finals.
“Kinakabahan po ako sa Na- tional Finals,” sabi ng SCUAA gold medalist sa form at live stick na si Ballester. “Pero nagpapasalamat po ako kasi sobra ang ganda ng ROTC Games.
Well organized po ang tournament kahit first time na isinagawa.
Sana marami pang atletang kadete ang sumali,” sabi pa niya.
Itinanghal naman ang Philippine State College of Aeronautics sa Philippine Air Force bilang winningest school sa pagwawagi ng tatlong medalya mula kina Mia Manuelita Caido sa forms o non-traditional, Marc Angelo Lacson sa men’s light- weight full contact padded stick at Mary Ann Espinosa sa women’s featherweight full contact padded stick.
Tatlo sa kakampi ni Ballester ang dumiretso sa National Finals — Boelle Abeis sa women’s lightweight, Joana Erica Dela Cruz sa welterweight at Febie Diogenese Tacda sa men’s welterweight — habang may ginto si Lolito Bacor Jr. sa men’s featherweight sa Philippine Army.
Samantala, wagi sa electronic sports na Call of Duty: Mobile (CODM) ang Quezon City University para sa gintong medalya. Pangalawa ang Makati Science Technological Institute of the Philippines para sa pilak at pangatlo ang Olivarez College at Marikina Polytechnic College para sa tanso sa dibisyon ng Philippine Army.
Wagi naman sa Philippine Navy ang De La Salle University para sa ginto, pangalawa ang Adamson para sa pilak at ang dalawang tanso ay napunta sa Taguig City University at Far Eastern Air Transport Incorporated University.
Kampeon sa Philippine Air Force ang PATTS College of Aeronautics, pangalawa ang University of Perpetual Help System Dalta-Las Pinas at pangatlo ang St. Jude College-QC at Philippine State College of Aeronautics.
CLYDE MARIANO