NAHALAL si PhilCycling chief Abraham ‘Bambol’ Tolentino bilang presidente ng Philippine Olympic Committee (POC) sa special elections na idinaos kahapon sa Century Park Hotel sa Manila.
Tinalo ni Tolentino si track and field head Philip Ella Juico, 24-20.
Pinunan ni Tolentino, 55, ang posisyon na binakante ni dating POC president Ricky Vargas, na nag-resign noong Hunyo 18 kasunod ng mga katanungan sa pagkakasangkot niya sa iba’t ibang kontrobersiya na kinakaharap sa hosting ng bansa sa 30th Southeast Asian Games.
Si Tolentino ang ikatlong POC president na nahalal sa Olympic cycle na ito at magsisilbi hanggang sa pagtatapos ng Tokyo 2020 Olympics.
“Thank you very much sa lahat ng sumuporta. Hopefully, natapos na rin itong POC squabble,” wika ni Tolentino.
“I think as the saying goes: ‘Set aside the differences and move forward, let’s all be united because we’re preparing to focus on the SEA Games and next year – Para Games and Olympics.”
Nakatakdang italaga ni Tolentino, kinatawan ng 7th district ng Cavite, si Patrick Gregorio bilang kanyang secretary-general, habang si Ormoc Mayor at Philippine Fencing Association president Richard Gomez ang kanyang deputy.
Itatalaga rin si Lucas Managuelod, presidente ng Muaythai Association of the Philippines, bilang head ng POC membership committee.
Samantala, nahalal naman si Steve Hontiveros bilang POC chairman, ang posisyong hawak ni Tolentino bago ito bumaba sa puwesto para tumakbo bilang POC president, habang nabawi nina Clint Aranas ng World Archery Philippines, Inc. at Gymnastics Association of the Philippines, Inc. chief Cynthia Carrion ang kanilang dating posisyon sa POC board of directors.
May 41 regular member national sports associations (NSAs), kasama sina athletes commission representatives Henry Dagmil at Hidilyn Diaz, at International Olympic Committee (IOC) representative to the Philippines Mikee Cojuangco-Jaworski ang bumoto.
Hindi bumoto ang Philippine National Shooting Association, gayundin ang Philippine Rugby Football Union bagama’t nagpadala ito ng kinatawan. CLYDE MARIANO
Comments are closed.