PUPULUNGIN ni newly-elected Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham ‘Bambol’ Tolentino ang POC board sa unang pagkakataon sa Biyernes, Agosto 2.
Si Tolentino ay nahalal bilang pinuno ng Olympic body ng bansa sa special elections noong Linggo, Hulyo 28.
Ayon kay Tolentino, ang una niyang gagawin ay ang iabot ang kanyang mga kamay sa mga miyembro ng Board at ipakita ang kanyang katapatan at kahandaan na makatrabaho ang mga ito.
Gayundin ay sinabi niya na nakahanda siyang sagutin ang mga isyu na unang kinuwestiyon ng Board sa termino ni Ricky Vargas bago ito nag-bitiw sa puwesto.
“I will answer them kung ano ang itatanong nila. And nasa kanila na kung tatangapin nila ‘yung sagot ko. Basta sasagutin ko lahat ng tanong nila. Hopefully this would be a good start for the POC,” wika ni Tolentino sa kanyang pagbisita sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kahapon sa Amelie Hotel-Manila.
Ayon kay Tolentino, ang una niyang pagtutuunan ng pansin ay ang mga paghahandang isinasagawa ng bansa para sa hosting nito sa 30th Southeast Asian Games.
Subalit hindi, aniya, ito magtatagumpay kung hindi magkakaisa ang buong POC.
“Unity muna. You cannot have those directions if you don’t have unity,” ani Tolentino sa forum na handog ng San Miguel Corp., Braska Restaurant, Amelie Hotel, at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
“We have to focus on the SEA Games, so kailangan natin ng unity. Kung hindi tayo united, forget about everything.”
Ang update sa SEA Games ang magiging pangunahing agenda ng Board kung saan inimbitahan ni Tolentino ang isang miyembro ng Philippine SEA Games Organizing Committee (Phisgoc) sa meeting.
Kasabay nito, sinabi ng presidente ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (Philcycling) na bibitawan niya ang kanyang posisyon bilang Phisgoc sports director dahil bilang POC president ay awtomatiko niyang ookupahan ang posisyon ng Phisgoc vice-chairman. CLYDE MARIANO