BANTA NG CLIMATE CHANGE SA PINAS LUBHANG DELIKADO

CLIMATE CHANGE

SA magkakahiwalay na ulat kamakailan ng United Nations International Strategy for Disaster Risk Reduction (UNISDR), World Meteorological Organization (WMO) at Inter-governmental Panel on Climate Change (IPCC), sinasabing mataas ang puwesto ng Filipinas sa mga bansang delikado sa banta ng masamang panahong dulot ng ‘climate change.

Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, House Ways and Means Committee chairman at pangunahing may-akda ng panukalang Department of Disaster Resilience (DDR) bill sa Kamara, na nasa Senado na, dapat maging handa ang bansa sa babalang ito lalo na sa pagtaya ng mapaminsa-lang mga bagyo na sadyang kailangan ng isang mabisang ‘disaster resilience program.’

“Ang babalang ito ay pahiwatig na dapat ngang kasama sa panukalang DDR ang Philippine Atmospherical Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA),” puna niya. Lalong na­ging markadong panukala ang DDR matapos ang matinding pinsalang hatid ng sunod-sunod na malalakas na lindol sa Mindanao. Inaasahang maipapasa ito ng Senado bago dumating ang Pasko.

Sa panukalang DDR, isasailalim dito bilang ‘attached agencies’ ang Pagasa at ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na bahagi ngayon ng Department of Science and Technology (DOST), bukod sa ilan pang mga tanggapan upang magkakatugma at mabisang magampanan nila ang mga gawaing kaugnay sa pagsuri at pagbigay ng tamang babala tungkol sa banta ng mga kalamidad, at pagtugon dito, kasama na ang pagbibigay ayuda, pagbangon, pagbuo muli at pagsulong pagkatapos ng kalamidad.

Gagawing isang ‘major agency’ ang DDR na pamumunuan ng isang Secretary na may mga ‘undersecretaries, assistant secretaries and directors’ sa ilalim niya. Magiging buod nito ang Office of Civil Defense (OCD) at isasama rito ang ‘Climate Change Commission Office; ‘Geo-Hazard Assessment and Engineering and Geology units’ ng ‘Mines and  Geo-sciences Bureau’ ng DENR;  ‘Health Emergency Management Bureau’ ng DOH; ‘Disaster Response Assistance and Management Bureau’ ng DSWD; at ‘Bureau of Fire Protection’ ng DILG.’

Binigyang-diin ni Salceda na sadyang mahalaga ang Pagasa sa DDR para matiyak ang “unity of command, and science-based approach” sa mga ka­lamidad. Binanggit ni­ya ang mga nagdaang mapa­minsalang Super-bagyong Mangkhut o Ompong na kumitil ng 134 buhay namerhuwesyo ng mahigit 2.4 milyong iba pa, at  Haiyan o Yolanda noong 2013 na nag-iwan ng 6,340 taong patay. Dahil sa tindi ng pinsala at aral nito sa mga Pinoy, pinagtibay ng Kamara ang HB 4960 na nagtalaga sa ika-8 ng Nob­yembre bilang ‘Yolanda Commemoration Day,’ sa Eastern Visayas.

Sa ulat ni WMO Secretary-General Petteri Taalas sa Geneva nitong nakaraang Marso, sinabing “lalong lumalala ang pisikal ng mga palatandaan ng ‘climate change’ gaya ng patuloy na tumataas na temperatura at mapaminsalang epekto nito sa mundo,” kasama ang pagkatunaw ng dambuhalang mga yelo, pagtaas ng tubig sa dagat at pagkakaroon ng mga ‘heat waves,’ mga pagbaha at ‘El Niño, pagkasira ng agrikultura at pagkakasakit ng mga tao.

Inendorso ni Pangulong Duterte at paglikha ng DDR sa nakaraang mga SONA niya. Naipasa na ito ng Kamara sa nakaraang 17th Congress ngunit ginahol sa oras ang Senado na pagtibayin ito dahil sa 2018 election. Muli niya itong inihain ni Salceda sa 18th Congress at mu­ling naipasa na. Nasa Senado na muli ang bill.

Comments are closed.