BANTA NI IMEE: ‘WAG NINYONG NILOLOKO ANG ADING KO!

PINALALANSAG ni Senadora Imee Marcos ang namamayagpag na sindikato ng mga kawatan sa Department of Agriculture matapos nilang gamitin ang Office of the President para palusutin ang binabalak na importasyon ng asukal.

Pinuri rin ni Marcos si PBBM sa pagbasura sa planong importasyon ng 300,000 metriko toneladang asukal, kasabay ng hirit sa Pangulo na magsagawa ng rigodon sa matataas na opisyal ng DA para buwagin na ang mga kriminal na sindikato sa gobyerno.

” ‘Wag ninyong niloloko ang ading ko!” banta ni senador Marcos.
Isinumbong sa opisina ni Marcos ng mga lokal na producer ng asukal na sumirit ang presyo ng asukal ng lampas sa P100 kada kilo dahil binabakuran ng mga switik na manufacturer ng sugared products ang mga imported na asukal kaya hindi na ito umaabot sa mga konsyumer.

Dagdag pa ng mga producer, may dalawang linggo nang inabanse ng mga sugar miller ang pagproseso sa lokal na asukal na ilalagak sa mga retailers sa katapusan ng buwan.

Pinaiimbestigahan ni Marcos si DA Undersecretary Leocadio Sebastian at iba pang mga opisyal ng ahensiya kung bakit binawi ang pagharang sa importasyon ng mga processed animal protein (PAP) galing Italy at iba pang bansa na kontaminado ng African Swine Fever (ASF).

Binuko ni Marcos si Sebastian na sumang-ayon sa banta ng ASF sa pirmado nitong memo noong August 5 na magpapalusot sa pag-angkat ng PAP sa bansa.

Dagdag ng senador, may 1,000 na mga baboy ang pinatay sa Roma noong Hunyo para hindi na kumalat pa ang ASF doon.

Babala ni Marcos, mamemerwisyo na naman sa mga lokal na magbababoy ang ASF oras na pinalusot sa bansa ang porcine PAP, gayong sumisipa pa lang sila para maakahon sa pesteng dulot nito sa kanilang babuyan.

Ginagamit ng lokal na industriya ng pangisdaan ang porcine PAP na gawa sa balat, dugo at buto ng baboy dahil mas mura itong pagkain ng mga isda na layong maibaba ang presyo ng isda sa bansa.
Binigyang diin ni Marcos na hindi tamang “magbubulag-bulagan sa maaring paglusot ng ASF para paboran ang isang sektor sa agrikultura na ikapapamahak naman ng iba.” VICKY CERVALES