BANTA NI JOMA SINOPLA NG PALASYO

JOMA

“JOMA Sison gumising ka na sa panaginip mo.”

Ito ang tugon ni Presidential Spokesman Harry Roque sa pahayag ni Sison na ibabagsak niya si Pangulong Rodrigo Duterte.

“Ang masasabi ko lang po, tama na po ang dakdak, kung gusto mo talagang makatulong sa ating mga kababayan umuwi ka rito at maging bahagi ka ng pagbubuo ng isang mas komportableng bayan para sa lahat at sa sambayanang Filipino” giit ni Roque.

Sinabi ni Roque na hindi magagawa ni Sison ang kanyang banta na pabagsakin si Pangulong Duterte dahil wala naman siya sa Filipinas at nananatiling nagtatago sa The Netherlands.

Kasabay nito ay hinamon ni Roque si Sison na umuwi ng Filipinas bago mangarap na agawin ang gobyerno.

“Pero talagang mayabang po talaga itong si Joma Sison, akala niya siya ang savior ng bansa. Eh mantakin ninyo eh patatalsikin daw nila si Presidente, hindi raw matatapos ang termino” wika ni Roque.

“Iyong mga pinapanaginip mo, hindi na mang­yayari, napakaganda na ng ekonomiya ng bansa. Bagamat mayroon pa ring kahirapan, napakadami nang nakaahon sa hirap. Palibhasa napakatagal mo diyang nagpapasasa sa ibang lugar, hindi mo na alam kung anong kondisyon dito sa Filipinas,” sabi ni Roque.

Patuloy na umiinit ang sagutan sa pagitan ng Malakanyang at ni Sison makaraang bumagsak ang isinusulong na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at mga rebeldeng grupo.

Paliwanag ni Roque, nais ni Pangulong Duterte na sa bansa gawin ang pag-uusap at bibigyan ng garantiya ang kaligtasan ni Sison at hindi siya ikukulong.

“Iyong sinabi niyang hindi na matatapos ang termino, unang una, nanana­ginip nga kasi si sisenta anyos na nagbabanta na patalsikin ng CPP-NPA ang gobyerno, hindi nangyayari. So another 30 years, umasa ka pa rin, managinip ka pa rin, hindi mo pa rin mapapatalsik ang gobyerno ng Filipinas,” dagdag pa ni Roque. EVELYN QUIROZ

Comments are closed.