INIHAYAG kahapon ni Philippine National Police chief P/ General Oscar Albayalde na tinututukan na ng kanilang organisasyon ang bantang destabilisasyon laban sa Duterte administration.
Bagama’t aminado ang heneral na sa kasalukuyan ay wala pa silang hawak na matibay na ebidensiyang maiuugnay sa destabilization move laban kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Nabatid na bukod sa destab move laban kay Duterte ay inihayag din ng Malakanyang ang bantang asasinasyon sa Pangulo.
Ayon kay Albayalde, “There is a possibility, it’s because ‘yung pagtira lang very personal palaging nand’un nakatutok sa presidente, palaging nakatutok sa administration na ito so there is a possibility.”
“We are not discounting the fact that there is a destablization plot and these are all being investigated. Tinitingnan natin kung sino talaga ang behind.”
Sa hanay ng Armed Forces of the Philippines, inihayag ni Col. Noel Toods Detoyato na posibleng may mangilan-ngilan na nag-iisip o nagbabalak subalit hindi ito magtatagumpay.
“We don’t see those threat to materialize because we have a very strong AFP, we have a very strong PNP, and very strong ang support na nakikita namin coming from the Filipinos sa ating administration,” pahayag ni Detoyato.
Samantala, naniniwala si Albayalde na bahagi rito si Alyas Bikoy na nasa likod ng ilang video na lantarang sinisira ang Duterte administration sa kanyang mga inilabas na YouTube footages.
“Of course I am sure hindi lang si Bikoy ito, meron talagang gumagawa, kasi scripted lahat ‘yung sinasabi n’ya and I am sure may kaunting financial eh na I dont’ know kung gaano kalaki pero I am sure mayroong suporta ‘yan,” pahayag pa ng PNP chief.
Kasalukuyan na iniimbestigahan ng PNP-Anti Cybercrime Group ang mga naglalabasang video upang ma-estabilisa ang pagkakilanlan ni Bikoy. VERLIN RUIZ
Comments are closed.