ISASAILALIM sa lockdown ang Barangay 128, Caloocan City mula 12:01am sa ika-14 ng Agosto hanggang ganap na 11:59pm sa ika-20 ng Agosto.
Ito ay matapos lagdaan ni Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan ang isang executive order na nagdedeklara ng total lockdown sa naturang barangay makaraang makapagtala ng 24 na kaso ng COVID-19 kung saan 22 sa mga ito ay itinuturing pang active cases.
Ipatutupad ng total lockdown sa Barangay 128 upang bigyang daan ang isasagawang mass testing at malawakang contact tracing sa pangunguna ng Caloocan Health Department (CHD).
Magsasagawa rin ng disinfection ang mga kawani ng Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM) sa barangay sa buong panahon ng total lockdown.
“Katulad sa ibang barangay na isinailalim natin sa total lockdown, mahalaga ang kooperasyon ng mga residente upang maging epektibo ang Pamahalaang Lungsod sa pagganap nito sa kanilang tungkulin na makontrol ang pagkalat ng virus sa barangay,” ani Mayor Malapitan.
Nakatakda rin na magbigay ng food assistance ang Pamahalaang Lungsod sa mga residente na apektado ng lockdown.
Ayon naman kay Atty. Sikini Labastilla, pinuno ng Caloocan COVID-19 Command Center, kaagad na dadalhin sa isolation facilities ang mga magpopositibo sa isasagawang mass testing.
Sinabi rin nito, kasama ng Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) ay patuloy na oobserbahan ang mga kaso sa lugar upang makapagbigay ng tamang rekomendasyon hinggil sa pagtatanggal o pagpapalawig ng lockdown. EVELYN GARCIA
Comments are closed.