BARAPTASAN 2024 GRAND FINALS, GAGANAPIN SA ABRIL 6

Si Jose Corazon de Jesus (Huseng Batute), ang makatang sumulat ng Tagalog na liriko ng awiting “Bayan Ko,” ay siya ring kalahok, kasama si Florentino Collantes, sa unang balagtasan na ginanap sa Instituto de Mujeres sa Maynila noong taong 1924. Ang okasyong ito ay isinagawa bilang pagpupugay sa pangunahing makata ng bansa noong panahong iyon, si Francisco Balagtas, ang may-akda ng “Florante at Laura”. Madali rin namang makita kung ito’y ipinangalan sa kanya.

Ang balagtasan ay isang paligsahan sa tula, isang pagtatalo o debateng patula; hango ito mula sa duplo na sikat noong ika-19 na siglo. At tungkol nga sa kaganapang ito noong 1924, sa tatlong pares na sumali sa kauna-unahang balagtasan sa bansa, ang pares nina Huseng Batute at Collantes ang nagtagumpay at naging paborito ng madla. Humigit-kumulang isang taon pagkatapos nito, muli nilang inulit ang pagtatanghal at dito na nga nakamit ni Huseng Batute ang titulong Hari ng Balagtasan.

Maraming anyo ng balagtasan ang lumitaw sa iba’t-ibang lugar sa bansa, tulad ng Ilocos at Pampanga, hanggang sa ito’y sumikat at naging paboritong libangan noong mga panahong iyon.

Bawat mahusay na makata ay kailangang magpakita ng kanyang galing sa pagtatalumpati at pakikipagtalo bilang isang makata sa balagtasan.

Ang lahat na ito ay napapanahong pag-usapan muli ngayon sa paglulunsad ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP) noong isang taon ng KANTO KULTURA: BARAPTASAN 2024. Ang baraptasan (balagtasan + rap) ay isang pambansang paligsahan na naglalayong magsulong sa balagtasan, na may modernong twist. Ibinukas ng CCP ang patimpalak na ito sa lahat ng mga Pilipinong may edad na 18 pataas.
(Itutuloy…)