‘BASIC HOUSEHOLD INCOME’ NG PAMILYANG PINOY SA ILALIM NG BAYANIHAN 3 IPINAGTANGGOL

Albay Rep Joey Sarte Salceda

MATINDING dinepensahan ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda sa plenaryo ng Kamara nitong linggo ang konsepto at kritikal na kailangang ‘Universal Basic Household Income’ ng bawat pamilyang Filipino sa ilalim ng House Bill 8628, ang ‘Bayanihan to Arise as One’ na ipinasa nang Kamara noong Martes ng gabi.

Ang aprubadong Bayanihan 3 ay may laang P401 bilyong ‘stimulus package’ na karagdagang ayuda sa mga Filipinong naghihirap sa krisis ng pandemyang Covid-19. Ilalabas ang naturang halaga sa tatlong ‘phases:’ P165.9 bilyon sa Phase 1; P186 bilyon sa Phase 2; at P48.6 bilyon sa Phase 3.

Sa ilalim ng bill, dalawang beses tatanggap ang bawat Filipino ng P1,000, na magkakahalaga ng P216 bilyon sa pangkalahatan. Ang mga pamilya namang sinalanta ng pandemya ay tatanggap ng minsanang P5,000 hanggang P10,000. Pangangasiwaan ito ng DSWD.

Sa plenaryo, sinabi ni Salceda na sa “kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng panuntunan ng bansa, ngayon lang ipinapanukala ang konsepto ng Universal Basic Income ng pamilyang Filipino kung saan dapat tatanggap ang bawat miyembro ng pamilya ng P1,000 agad at P1,000 reserbang laan ngayong krisis ng pandemya, na walang kondisyun para hindi ma-politika. Malaya naman itong tanggihan o isauli ng mayayaman, kung nais nila. IIlan lang naman ang sobrang mayaman sa bansa natin. Ang totoo, halos lahat ay umaaray dahil sa krisis,” diin ni Salceda na chairman ng House Ways and Means Committee.

Ayon sa mambabatas na isang kilalang ekonomista, una niya itong ipinanukala noong Mayo 2020 sa Pangulo at sa mga ‘economic managers’ niya sa pamamagitan ng isang mahabang memorandum, bilang kapalit ng umiiral ng Social Amelioration Program (SAP).

“Ipinanukala ko ito dahil kulang kami ng sapat na datus noon. Higit madaling ilista ang mga binigyan ng pera, sa halip na maghanap ng lista ng mga bibigyan. Higit itong simple, mabilis at tiyak na patas para sa mahihirap, na karaniwan ay malalaki ang pamilya. Higit na patas ang tulong sa bawat tao dahil kumakain ang bawat isa sa kanila,” paliwanag niya.

Nauna nang iginiit ni Salceda na ang pinaka-mabisang paraan para matiyak ang mabilis na pagbangon ng ekonomiya ay maprotektahan ang kita ng bawat pamilya dahil mahigit 70% ng eknomiya ng bansa ay nakadepende sa pagkonsumo.

Inaasahang maipapasa ng Senado ang Bayanihan 3 bago ito magpahinga para sa State of the Nation Address ng Pangulo sa Hulyo. “Inaasahan kong sa panahon o pagkatapos ng SONA, nabibigyan na ng ayuda ang mahihirap na pamilya. Kritikal ang panahon mula Hunyo hanggang Disyembre 2021 dahil ito ang pagitan ng krisis at pagbalik sa normal ng ekonomiya, kaya ang Bayanihan 3 ang magiging tulay sa pagitan nila, paliwanag ni Salceda.

Sa plenaryo, pinasalamatan ni Salceda ang kapwa niya mambabatas ng Kamara na nagkaisa para ipasa ang Bayanihan 3, na isinulong at ibinoto ng 293 o 98% ng 300 miyembro ng mababang kapulungan.

3 thoughts on “‘BASIC HOUSEHOLD INCOME’ NG PAMILYANG PINOY SA ILALIM NG BAYANIHAN 3 IPINAGTANGGOL”

  1. 265453 139494This internet site can be a walk-by way of for all with the data you needed about this and didnt know who to ask. Glimpse here, and also youll undoubtedly uncover it. 595012

Comments are closed.