‘BASURA, KAPALIT NG BIGAS’ PROGRAM INILUNSAD

INILUNSAD ng dalawang barangay sa Muntinlupa ang programang “Basura, Kapalit ng Bigas” upang mahikayat ang mga residente ng lungsod na mapanatiling malinis ang kanilang kapaligiran.

Sinimulan ng mga barangay ng Sucat at Bayanan ang “Basura, Kapalit ng Bigas” program na pinagsamang proyekto ng dalawang nabanggit na barangay sa lungsod kabilang ang Environmental Sanitation Center (ESC) at ng Muntinlupa Gender and Development Office (GDO).

Sa ilalim ng programang “Basura, Kapalit ng Bigas”ng dalawang nabanggit na barangay ay maaaring magdala ng basurang plastic ang kanilang mga konstituwente na sa bawat dalawang kilong bigat ng plastic ay may katumbas ng isang kilong bigas.

Sa barangay Barangay Sucat ay inilunsad ang nabanggit na programa sa Old Pavilion na matatagpuan sa Sucat People’s Park kung saan ang bawat dalawang kilo ng plastic na bausra ay papalitan ng isang kilong bigas.

Inilunsad naman ang programang “Basura, Kapalit ng Bigas” ng Barangay Bayanan nitong Setyembre 22 ng ala 1:00 ng hapon sa motorpool ng naturang barangay habang ang susunod na iskedyul ng programa ay iaanunsyo sa mga darating na araw.

Sinabi naman ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon na ang programang “Basura, Kapalit ng Bigas” ay isang proteksyon ng kapaligiran at ang tamang paggamit ng natural resources ay isa sa mga prayoridad sa ilalim ng kanyang 7K Agenda na kinabibilangan ng Katarungan, Karunungan, Kalusugan, Kaunlaran,

Kapayapaan/Kaayusan, Kabuhayan, at Kalikasan.

Ang mga plastic na basura na tinatanggap ng dalawang barangay kapalit ng isang kilong bigas ay ang candy wrappers, sachets (tulad ng shampoo, conditioners, dishwashing liquid, fabric conditioner, biscuit, coffee, milk at chichirya), mga platic na pinambalot ng mga online shopping platforms gaya ng Lazada at Shopee pati na rin ng mga plastic bags. MARIVIC FERNANDEZ