INIUTOS kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na ibalik sa Australia ang pitong container van ng basura na du mating sa bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na malinaw ang paninindigan ng Pangulo na hindi basurahan ang Filipinas.
Nakaiinsulto umano ang ginawa ng Australia at pambabastos sa ating soberanya. Kamakailan lang ay nagalit ang Pangulo at iniutos ang pagpapabalik sa Canada ng mga basurang dinala sa Filipinas noong pang 2013.
Batay sa ulat nitong Miyerkoles, nasa Mindanao Container Terminal sa Tagoloan, Misamis Oriental ang pitong container na naglalaman ng mga basura ng Australia.
Nagtataka si Panelo kung bakit nakapapasok sa bansa ang mga basura gayong mahigpit ang pagbabawal dito ng gobyerno.
Posible umanong misdeclared cargo ang mga basura kaya nakapasok sa bansa.
Tiniyak nitong mananagot sa batas ang sinumang nasa likod ng pagpasok ng panibagong mga basura.
Ang naturang shipment ay siya ring broker ng mahigit 1,000 toneladang basura mula naman sa South Korea na dumating din sa Tagoloan, Misamis Oriental noong mga buwan ng Hulyo at Oktubre ng 2018.
Sa pagsusuri ay natuklasan na ang laman ng mga container ay “shredded municipal waste” o pinagpira-pirasong basura na sinasabing nakadeklara sa Customs bilang “processed engineered fuel” o PEF, at municipal waste na ipinasok ng cement company na Holcim Philippines Incorporated.
Ang PEF ay alternative fuel sa paggawa ng semento na mula sa pinrosesong basura. Matagal na umanong gumagamit ng PEF ang Holcim kapalit ng coal fuel.
Sinabi naman ng Holcim na ang basura ay hindi maituturing na talagang basura dahil ito ay “low-grade fuel o processed engineered fuel.
Isasailalim sa scientific test ang naka-hold na shipment para malaman kung ito ba ay PEF o ordinaryong municipal waste lamang.
Ang magiging resulta ng pagsusuri ang magiging basehan ng Bureau of Customs upang matukoy kung mayroong dapat managot sa pagpapapasok ng mga basura galing Australia.
Comments are closed.