BASURA SA SAN JUAN RIVER, NASOLUSYUNAN NG PRRC AT LGUs

SA kanyang State of the San Juan River Address, inamin ni Pasig River Reha­bilitation Commission (PRRC) Executive Director Jose Antonio “Ka Pepeton” E. Goitia na mahirap na mapanatiling ma­linis ang San Juan River dahil na rin sa walang habas na pagtatapon ng basura roon ng walang disiplinang mamamayan.

Katunayan, sa halos isang buwang paglilinis ng PRRC noong Abril ay nakakuha ang “river warriors” nito ng kabuuang 7,765 sako ng basura mula sa San Juan River.

Upang masolusyunan ang nasabing problema, inilunsad ng PRRC nitong Mayo 3, 2018 ang Inter-City Trash Traps sa paki­kipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan ng lungsod ng Quezon, San Juan, Mandalu­yong, at Maynila.

“Wala nang maaaring magturuan kung sino ang mga tunay na nagkasala sa ating mga ilog. Tapat ninyong ilog ay inyong re­sponsibilidad na hindi maging tapunan ng basura,” ani Goitia na mataas na opisyal din ng PDP-Laban. “Gayahin natin ang ating mga river warrior at river patrol sa kanilang sipag, dedikasyon at pagmamahal sa ating mga ilog, sapa at estero.”

Binansagan ng PRRC na “esterorista” ang walang habas na nagtatapon ng basura at iba pang klase ng dumi sa mga estero at iba pang tributaryo ng Pasig River.

“Magkakaalaman na kung sino ang mga esterorista gayundin ang mga tunay na nag­mamahal sa ating ilog,” diin ni Goitia. “Da­hil sa mga inter-city trash trap, hindi na po dadaloy pa ang mga basura papuntang Ilog Pasig. Nabuhay na po natin ang Ilog Pasig at gagawin natin ang lahat upang hindi ito muli pang mamatay dahil sa kawalan ng disiplina sa pagtatapon ng basura.”

Labis ding pinasalamatan ni Goitia ang mga river warrior at river patrol ng PRRC gayundin ang mga ahensiyang nagbobolun­taryong tumulong sa cleanup operations ng komisyon.

“Araw-araw ang pagsaludo natin sa bawat manggagawang bayani ng ating mga ilog!” diin ni Goitia. “Walang mas hi­higit pang pasalamat at pagsaludo sa ating mga lingkod-bayan ng PRRC na may may sariling-kusa na pangalagaan ang ating mga estero at ilog. Huwag pong magkalat at manirahan sa tabi ng mga tributaryo upang hindi mapagbintangang esterorista.”

Comments are closed.